3 Pinoy swak sa Last 16 ng US Open


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

August 23, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Dalawang panalo ang tinumbok ng tatlong Pinoy cue artists sa knockout stage upang sumampa sa Last 16 ng US Open Pool Championship sa Harrah’s Resort, Atlantic City, USA.

Pinamunuan ni Johann Chua ang dalawa pang Pinoy na sasargo sa round-of-16 matapos din nilang magtala ng tig-dalawang magkahiwalay na panalo sa event na nakalaan ang $500,000 guaranteed prize na ikakalat hanggang 64th place.

Pinagulong ng 2025 Knight Shot Open champion na si Chua si Alexan­der Kazakis, 10-6, ng Greece sa round-of-32 matapos sibakin si dating world champion Thorsten Hohmann, 10-9, sa Last 64.

Ipinagpag nina Filipino pool players Michael Baoanan at Jefrey Roda sina Je­sús Atencio, 10-9, ng Venezuela at Sullivan Clark, 10-5, ng New Zealand, ayon sa pagkakasunod, sa round-of-32 kaya malaki ang tsansa nilang masikwat ang $100,000 premyo.