See you soon—Leila Barros | Pilipino Star Ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Excited na ang lahat sa pagbabalik ni volleyball superstar Leila Barros sa Maynila.

Muling masisilayan ng milyon nitong Pinoy fans si Leila matapos itong kunin bilang guest of honor sa FIVB Men’s World Championship finals round na gaganapin sa Pilipinas sa Setyembre.

Pormal nang inihayag ng Philippine National Volleyball Federation ang magandang balita sa kanilang mga social media accounts.

“What a joy it will be to reconnect with these passionate volleyball fans. See you soon!,” ani Leila.

Kaya naman inihahanda na ang red carpet para sa pagbabalik ng volleyball queen sa bansa.

“It is with a heart full of gratitude that I receive this very special invitation. Returning to the Philippines, where I have always been welcomed with such warmth, is incredibly exciting,”ani Leila.

Ito ang unang pagkakataon na muling makikita si Leila sa Pilipinas.

Huli itong naglaro noong 2004 FIVB Wo­men’s Volleyball Grand Prix na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.

Kasama si Leila ng Brazilian national team na naglaro sa Manila Leg ng naturang Grand Prix.

Ngunit mas nakilala ng husto si Leila noong 1999 FIVB World Grand Prix na ginanap sa parehong venue kung saan pina­ngalanan itong Most Popular Player.

Muling bumalik ang Grand Prix sa Maynila noong 2000 at muling iginawad kay Leila ang Most Popular Player award.

Malaki ang naging ambag ni Leila upang lu­mawak ang popularidad ng volleyball sa Pilipinas.

Karamihan pa sa mga volleyball players ay may numerong ‘8’ na siyang jersey number ni Leila noong naglalaro ito para sa Brazil.

Matapos maglaro sa indoor volleyball, nasilayan si Leila sa beach volleyball bago ito nagretiro noong 2008.

Sa ngayon, isa nang senador si Leila sa Brazil matapos manalo sa eleksiyon.

“She captured the hearts of many Filipinos during her 2000 visit. Now, Leila Barros returns not only to wow the fans but also to inspire them as a distinguished public role model. She is now an elected public official in Brazil,” ani PNVF President Ramon “Tats” Suzara.