August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak ang nagdedepensang Creamline.
Ito ay matapos talunin ng guest team Kobe Shinwa University ang Cool Smashers, 27-25, 25-23, 23-25, 25-21, sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Kokoro Yasuma ng 23 points mula sa 21 attacks at dalawang service aces bukod sa 12 excellent receptions para banderahan ang mga Japanese spikers sa 2-1 record.
Nag-ambag sina Nagisa Komatsuda at Arisu Ishikawa ng tig-16 markers kasunod ang 11 points ni Reira Miyazaki habang may 21 excellent sets si team captain Sakura Furuta.
“Creamline has many good players. They are fast and has good combination plays,” sabi ni coach Kiyokazu Yamamoto sa Cool Smashers na nagmula sa five-set loss sa Chery Tiggo Crossovers. “We just adjusted to their combination plays.”
Ito ang ikalawang back-to-back losses ng Creamline matapos yumukod sa Cignal HD at ZUS Coffee sa nakaraang 2025 PVL on Tour na pinagreynahan ng PLDT.
Pinamunuan nina Jema Galanza at middle blocker Pags Panaga ang Creamline sa kanilang tig-20 points at may siyam na marka si Alyssa Valdez.
Kinuha ng Japanese team ang 2-0 kalamangan sa likod nina Yasuma, Komatsuda at Ishikawa, habang inagaw ng Cool Smashers ang third set, 25-23, sa pagbibida ni Galanza.
Muling nakalayo ang Kobe Shinwa sa fourth frame, 11-6, patungo sa 22-16 abante bago nakadikit ang Creamline sa 21-22 tampok ang pagtutulungan nina Toring at Galanza.
Nagsanib-puwersa sina Yuia Yamano, Komatsuda at Ishikawa para kumpletuhin ang four-set victory ng Japanese guest team sa PVL 10-time champions.
