August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Target ni Alex Eala na muling gumawa ng kasaysayan sa pagsabak nito sa second round ng US Open women’s singles sa USTA Billie Jean King National Tennis Center sa New York.
Puntirya ng 20-anyos Pinay netter na makasungkit ng tiket sa susunod na round sa pagharap nito kay Cristina Bucsa ng Spain.
Nakatakda ang bakbakan nina Eala at Bucsa ngayong araw.
Nakapasok sa second round si Eala nang pataubin nito si world No. 14 Clara Tauson ng Denmark sa opening round noong Lunes sa iskor na 6-3, 2-6, 7-6 (11).
Sa kabilang banda, naisaayos ni Bucsa ang pakikipagtuos kay Eala matapos payukuin si American Claire Liu, 6-2, 6-1, sa hiwalay na first round match.
Ito ang ikalawang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Bucsa.
Una nang nagtuos sina Eala at Bucsa noong 2021 sa 2021 W25 Grenoble sa France kung saan nanaig ang Pinay bet sa iskor na 2-6, 6-3, 7-6 (8).
Muling ilalabas ni Eala ang buong lakas nito upang makapasok sa third round — ang unang Pinay netter na makakaabot sa naturang estado sa isang Grand Slam event.
Sa pagpasok sa second round, makasisiguro na si Eala ng tumataginting na $154,000 o halos P9 milyon.
Kung eentra pa ito sa third round, aakyat sa $237,000 o mahigit P13 milyon ang masisiguro nito.
“I’m always in the mood for more history, I mean this match is one for the books for me,” ani Eala.
Inaasahang muling daragsain ng Pinoy fans ang laban ni Eala bagay na malaking tulong upang mas lalo pang tumaas ang kumpiyansa nito sa laban.
