August 27, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Unti-unti nang magkakaningning ang PBA Season 50 Rookie Draft sa inaasahang pagsali ng batikang guwardiya na si Jason Brickman.
Hindi pa pormal na pumapasok sa draft ang Filipino-American ace subalit inaasahang magpasa na ito ng kanyang aplikasyon ngayong linggo, ayon sa agent niyang si Marvin Espiritu.
Ilan pa sa mga sasaling manok ni Espiritu sa ilalim ng Espiritu Manotoc Basketball Management ay sina Gjerard Wilson ng UE, Christian Manaytay ng UST, Sean Quitevis at Chris Koon ng Ateneo, ayon sa ulat ng Spin.ph.
Subalit ang atensyon ay nasa 33-anyos na si Brickman na isa sa inaasahang maging top pick sa draft na nakatakda sa Setyembre 7 bagama’t hindi pa inaanunsyo ang venue.
Dating PBA prospect si Brickman subalit hindi matuluy-tuloy ang paglipad sa PBA dahil sa noon ay mahigpit pang patakaran sa Filipino-foreign applicants.
Ilan pa sa inaasahang stars na sumali sa draft ay sina Kobe Paras, Juan Gomez de Liaño, NCAA MVP Clint Escamis, Mike Phillips, Geo Chiu, Will Gozum, Remy Martin at CJ Lane upang samahan ang ilang UAAP, NCAA at MPBL standouts na nagsumite ng kanilang aplikasyon.
Hanggang Agosto 29 nalang ang aplikasyon para sa PBA draft bago ito salain ng PBA para sa pinal na aplikante.
