Rabiya at basketbolista, nag-out na!


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

August 31, 2025 | 12:00am

Nagkabukingan sa taping ng Family Feud noong Biyernes na may bagong ka-date na ang beauty queen/actress na si Rabiya Mateo.

Naglaro ang grupo ng basketball player na kung saan isa roon ay ang dating La Salle varsity player na si Andrei Caracut. Nasa Rain or Shine na ngayon ang guwapitong basketball player na ito.

Nagulat lang si Andrei nang biglang kinumusta ni Dingdong Dantes sa kanya si Rabiya Mateo.

Namula at natameme raw si Andrei, dahil hindi niya inaasahang itatanong ito ng game show host sa kanya.

Nakalkal kasi ng research team ng Family Feud na nag-post si Andrei sa kanyang Instagram story ng kuha kay Rabiya na nasa Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon.

Taga-Lucban si Andrei at parang ipinasyal niya roon ang former beauty queen/actress.

Nang mag-break, ang daming nagkainteres kung anong meron sa kanila ni Rabiya. Tinanong siya ng isang staff kung sila na ba ni Rabiya. Sinagot daw niya ito ng “we’re just friends.” Halos nagkasabay-sabay ang reaksyon ng mga teammates niya ng “ang showbiz mo, Pre!”

Hindi na raw nakaimik si Andrei.

Cute ang binatang ito at bagay naman sila ni Rabiya.

Sabi ng taga-Family Feud, abangan na lang daw ang episode na ito na mapanood sa September. Abangan daw kung sino ‘yung surprise na dumating doon sa studio ng Family Feud.

Wala naman daw masama kung sila na. Deserved naman ni Rabiya na makahanap ng bagong lovelife pagkatapos ng maingay na relasyon nila ni Jeric Gonzales.

Gladys, mas piniling maging ‘katrabaho!’

May ilang maka-Kapuso pala ang hindi nagustuhan ang pagpirma ni Gladys Reyes sa management team ng Star Magic last week.

Nagsasabi pa ang iba na dapat na tanggalin na raw ito sa Cruz vs. Cruz dahil ang GMA lang naman daw ang nagbibigay ng show sa kanya, tapos mas pinili pa raw maging Kapamilya.

Sa nakaraang mediacon pagkatapos niyang pumirma sa Star Magic, nilinaw naman ni Gladys na hindi raw siya nakatali sa isang network. Puwede siya sa Kapuso, Kapamilya, at kahit sa Kapatid.

Siya naman daw ay “katrabaho.”

Nagpapasalamat nga si Gladys sa GMA 7 dahil sa mga programang ibinigay sa kanya. Lalo na itong kasalukuyan niyang ginagawa, ang Cruz vs. Cruz na pataas nang pataas ang rating.

Pero ang Star Magic naman daw talaga ang nangulit na i-handle siya dahil meron daw silang nakalatag para sa career ng aktres.

Siyempre tumatanaw ng utang na loob si Gladys dahil ang ABS-CBN ang nagbigay ng magandang break nung nagsisimula pa lamang ito. “I will always be grateful both sa ABS-CBN, kung saan ako unang nagkaroon ng break through Mara Clara at sa GMA 7 for all the shows especially Cruz vs. Cruz,” text ni Gladys sa akin.

“Ang nagustuhan ko rin kaya napapirma ako sa Star Magic management dahil bukod sa Kapamilya network, open sila sa mga opportunities to work with other networks, at may collaboration na,” sabi pa nito.

Para kay Gladys, wala na ‘yung network war, kaya nga nakakapagtrabaho ang Kapamilya artists sa Kapuso network.

Kasama niya sa Cruz vs. Cruz si Vina Morales na Star Magic din ang nagha-handle. Kaya sa tingin niya ay wala naman itong problema.

Maganda ang ratings ngayon ng Cruz vs. Cruz at marami nga ang nagsasabing dapat na ilipat ito ng timeslot pagkatapos ng It’s Showtime.

Totoo bang mae-extend ito baka umabot pa raw ng December?

Maganda kasi ang takbo ng kuwento at magaling ang buong cast, lalo na ang pagmamaldita roon ni Gladys.