BGYO, niyanig ang Summer Sonic Bangkok 2025


Pilipino Star Ngayon

September 4, 2025 | 12:00am

Tuluy-tuloy ang BGYO sa pagpasok sa global music scene at patunay rito ang pasabog nilang performances sa matagumpay na Summer Sonic Bangkok 2025.

Masaya ang grupo bilang nag-iisang kinatawan ng Pilipinas sa biggest music festival ng Japan na ginanap sa IMPACT Challenger Hall sa Bangkok, Thailand noong Agosto 23-24. Kasama sa tanyag na global acts na nakibahagi sa event tulad nina Alicia Keys, Camila Cabello, Black Eyed Peas, BABYMETAL, at iba pa.

Inawit ng BGYO members na sina Gelo, Akira, JL, Mikki, at Nate ang latest single na Headlines, The Light (Thai version), Heartstrings, at All These Ladies na nakapasok sa Spotify PH Viral top 50. Kinanta rin nila ang Filipino songs na Andito Lang at Gigil.

Pangalawang beses na sa Thailand ng grupo ngayong taon dahil naging bisita rin sila sa Dream Warrior Concert ni Boss CKM noong Hulyo kung saan inawit nila ang Heartstrings at All These Ladies.

Bukod sa performances nila sa Thailand, kabilang din ang BGYO sa mga nagpasaya na Kapamilya acts sa ASAP England na ginanap naman noong Sabado (Agosto 30) sa BP Pulse Arena sa Birmingham.

Samantala, inilabas na ng BGYO ang performance video para sa Headlines, na umani ng mga papuri mula sa netizens.

Nakatakda nang pangunahan ng grupo ang BGYO: The First Solo Concert sa Oktubre 4 (Sabado) sa New Frontier Theater sa Quezon City. Mabibili ang tickets para rito sa Ticketnet.