Trade ng Converge, Phoenix at NorthPort aprubado


John Bryan Ulanday — Pilipino Star Ngayon

September 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Aprubado na ang three-team trade tampok ang Converge, Phoenix at NorthPort hindi pa man nagsisimula ang PBA Season 50 Rookie Draft.

Swak sa FiberXers si Larry Muyang kapalit ni Jeo Ambohot na ibinigay ng Fuel Masters sa Batang Pier kapalit ni Evan Nelle.

Nasa pro­seso ang NorthPort ng pagbenta ng prangkisa nito sa Pureblends na unang na­ging ga­law ang pagsikwat kay Ambohot matapos mawala sa kanila si Muyang.

Umalis si Muyang nang biglaan sa Fuel Masters no­ong nakaraang season upang maglaro para sa Pam­panga Giant Lanterns sa MPBL.

Ito ang dahilan ng pagpataw sa kanya ng PBA ng indefinite ban noong na­karaang buwan subalit maaalis ito kapag na-activate na siya sa roster ng Converge para sa PBA Season 50.

Sasamahan ng 6-foot-6 na si Muyang sina Justine Baltazar at Justin Arana para sa pinalakas na triple towers ng FiberXers.

Inaantay pa ng Converge si Mikey Williams na nakuha nila mula sa TNT kapalit ni Jordan Heading upang mapalakas din ang backcourt sa pangunguna ni Alec Stockton.

Bukod dito ay nakatakdang masikwat din ng Con­verge ang No. 2 pick mula sa Phoenix ayon sa ka­nilang 1-on-1 trade pro­po­sal para sa mismong Ro­okie Draft bukas sa SM Mall of Asia Music Hall sa Pasay City.

Mabibingwit ng Converge ang No. 2 pick ng Phoenix kapalit ni Bryan Santos sahog pa ang ka­nilang No. 8 pick at future second-round pick.

Terrafirma ang may tangan ng No. 1 pick.

Samantala, lumabas na pinakamatangkad si Geo Chiu ng Ateneo sa kan­yang taas na 6’9 sa la­hat ng 126 aplikante matapos ang biometrics at skill tests ng PBA Season 50 Ro­okie Draft Combine sa Yna­res Sports Arena sa Pasig City.

Ilan sa inaasahang magiging top selection ay sina Chiu, Juan Gomez De Lia­ño, Jason Brickman, Will Go­zum at Dalph Panopio.

Bumandera sa jumping tests sina Fil-Ams Ashon Andrews at Jake Gas­pay.

Tabla sa 33.4 inches sina Andrews at Gaspay para sa pinakamataas na standing vertical jump.

Nagtabla rin sa best Reaction Time sina Bryan Sajonia ng San Beda at Sean Quitevis ng Ateneo sa 0.29 segundo.