September 7, 2025 | 12:00am
Nagmartsa sa Guadalajara open finals
MANILA, Philippines — Muling umukit ng impresibong panalo si Alex Eala upang makalapit sa inaasam na kauna-unahang WTA title.
Halos hindi pinagpawisan ang 20-anyos na Pinay netter nang kubrahin nito ang impresibong 6-2, 6-3 panalo laban kay Kayla Day ng Amerika para makapasok sa finals ng Guadalajara Open na ginaganap sa Centro Panamericano de Tenis sa Mexico.
Umabot lamang ang laro ng isang oras at siyam na minuto.
Ito ang ikalawang finals appearance ni Eala sa WTA Tour matapos ang kaniyang una noong Hunyo sa Eastbourne Open sa Great Britain.
Ngunit natalo si Eala sa finals laban kay Maya Joint ng Australia sa iskor na 4-6, 6-1, 6-7 (10).
Kaya inaasahang ilalabas na ni Eala ang buong bagsik nito sa finals upang maisakatuparan ang minimithing kauna-unahang WTA Tour crown.
Subalit daraan muna sa butas ng karayom si Eala bago ito makuha.
Makakasagupa ng No. 2 seed na si Eala sa finals si Panna Udvardy ng Hungary.
Nakapasok sa championship round si Udvardy matapos patalsikin si Maria Kozyreva ng Russia sa pamamagitan ng 6-3, 6-4 pagwalis sa hiwalay na semis match.
Hindi ito ang unang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Udvardy.
Matatandaang nagtagpo na ang dalawa noong Abril sa Oeiras Open sa Portugal.
Matagumpay sa pagkakataon na iyon si Udvardy na naitakas ang 6-7 (4), 4-6 panalo laban sa Pinay netter.
Target ni Eala na makaresbak kay Udvardy sa oras na muling magkrus ang kanilang landas.
Dahil sa magandang ratsada nito sa Guadalajara Open, inaasahang muling aangat si Eala sa WTA rankings.Sa katunayan, nasa No. 62 na ito sa live rankings ng WTA — malayo mula sa kaniyang No. 75 na dating puwesto.
Matapos ang Guadalajara Open, lilipad naman si Eala sa Brazil para sumabak sa Sao Paulo Open na gaganapin sa susunod na linggo.
