September 7, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lumanding sa second place si Pinoy bet Bernie Regalario matapos yumuko kay Albert Januarta ng Indonesia, 8-13, sa finals ng Zen Custom Cue and Yuan 8 Open na inilaro sa Yuan 8 Club sa Shanghai, China kahapon.
Nakopo ng 20-anyos na si Regalario ang $8,000 second place prize, habang $20,000 ang naibulsa ng 17-anyos na si Januarta sa duwelo ng dalawang papasikat na billiards sensation.
Parehong nagpakita ng husay ang dalawang billiards player at halos hindi sila nahirapan idispatsa ang mga nakatungali sa semifinals sa event na nakalaan ang $60,000 guaranteed prize.
Pinatalsik sa trono ni Regalario si 2024 champion Ko PIn Yi ng Chinese Taipei, 11-5, habang pinagulong ni Januarta si Frank Vogel ng Germany, 11-8.
Bago sumampa sa Round-of-32 ay nagpanalo muna si Regalario sa loser’s side at nakasama niyang sumargo ang kapwa Pinoy na sina Marvin Asis, Michael Feliciano at Harry Vergara.
Sina Regalario, Vergara at Feliciano lang ang umusad sa Last 16 dahil nasibak si Asis ni Yi, 8-10.
Subalit sa Round-of-16 ay tanging si Regalario na lamang ang Pinoy nananalo kaya mag-isa siyang tumumbok sa quarterfinals kung saan ay kinalos niya si Lin Ta-Li ng Chinese Taipei, 10-4.
Naiuwi nina Vogel at Yi ang tig $4,000 at sina Vergara at Feliciano na umabot hanggang last 16 ay kumubra ng tig-$800 consolation prize.