September 9, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Makikilatis ang reigning champion University of the Philippines kontra sa host University of Sto. Tomas sa opening weekend ng UAAP Season 88 men’s basketball tournament sa Setyembre 21.
Bida ang Fighting Maroons-Growling Tigers duel sa ikalawang araw ng opening weekend sa Linggo pagkatapos ng unang salang sa Sabado tampok din ang apat na koponan.
Nakatakda ang banggaan ng UP at UST sa alas-4:30 ng hapon pagkatapos ng duwelo ng NU Bulldogs at UE Red Warriors sa alas-2 ng hapon.
Sa Sabado ay magpapambuno ang FEU at Ateneo sa alas-2 ng hapon bago ang laban ng La Salle at Adamson sa alas-4:30 ng hapon.
Sa UST Gym at Ateneo gaganapin ang karamihan ng mga laro ng UAAP sa unang buwan dahil sa kakulangan ng venues para sa 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship sa Mall of Asia Arena at sa Smart Araneta Coliseum.
Bago ang aksyon sa basketball ay idaraos ang opening ceremony sa UST Grandstand at Open Field sa Setyembre 19.
Tampok dito ang misa, opening ceremony proper kung saan magkakaroon din ng tradisyunal welcome walk para sa lahat ng mga UAAP athletes at ang finale concert.