September 9, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tuluyan nang winalis ng ZUS Coffee ang 2025 Davao Invitational Volleyball Tournament matapos gibain ang De La Salle University, 25-17, 25-19, 23-25, 25-23, sa finals sa University of Southeastern Philippines Gymnasium & Cultural Center sa Bo. Obrerio, Davao City.
Muling pinamunuan ni veteran Jovelyn Gonzaga ang Thunderbelles at hinirang na Most Valuable Player at Best Opposite Hitter ng four-team tournament.
Nakatuwang ni Gonzaga sina Chinnie Arroyo at team captain Cloanne Mondoñedo na kinilalang Best Outside Hitter at Best Setter, ayon sa pagkakasunod.
Dumiretrso ang ZUS Coffee sa kanilang ikaapat na sunod na ratsada sa pocket tournament na sinalihan din ng La Salle, NCAA champion College of St. Benilde at PVL sister team Farm Fresh.
Limitado lamang ang naging minuto ni Alas Pilipinas ace Angel Canino para sa Lady Spikers na nakamit ang ikalawang finals spot dahil sa superior set ratio kontra sa Foxies at Lady Blazers na bumasag sa isang three-way tie sa magkakatulad nilang 1-2 baraha sa single-round robin play.
Hindi naman naglaro para sa La Salle si star middle blocker Shevana Laput.
Samantala, tinalo ng Farm Fresh ang St. Benilde, 18-25, 25-20, 25-14-25-21, para sa third place trophy.
Ipinarada ng Foxies ang mga bagong hugot na sina Ces Molina at Riri Meneses na kumalas sa Cignal HD Spikers noong Enero.
Ang Davao Invitational ay ginamit ng ZUS Coffee at Farm Fresh bilang preparasyon sa parating na PVL Reinforced Conference sa Oktubre kagaya ng La Salle sa UAAP at ng St. Benilde sa NCAA.