Biado idedepensa ang World 10-Ball crown sa Vietnam


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Muling aarangkada ang mga Pinoy cue masters sa pres­tihiyosong 2025 WPA Men’s 10-ball World Championship sa Ho Chi Minh City, Vietnam mula Setyembre 20 hanggang 28.

Anim na Pinoy bets ang magtatangka sa torneo kabilang na si reigning World 10-Ball champion Carlo Biado na nakatakdang depensahan ang ka­niyang korona sa naturang event.

Matatandaang napa­sa­kamay ni Biado ang World 10-Ball crown matapos pa­taubin si Naoyuki Oi ng Japan sa finals noong na­karaang taon.

Kaya naman desidido si Biado na maipagtanggol ang kaniyang korona sa edisyong ito.

Sa kasalukuyan, si Bia­do ay world champion sa dalawang events ng WPA.

Hawak din ni Biado ang korona sa World 9-Ball event na napanalunan nito noong Hulyo sa Jeddah, Saudi Arabia.

Naitarak ni Biado ang pukpukang 15-13 panalo upang hubaran ng koro­na si 2024 World 9-Ball champion Fedor Gorst ng Amerika sa finals na ginanap sa Green Hall sa Jeddah.

Ito ang ikalawang World 9-Ball title ni Biado na nagkampeon na rin sa naturang event noong 2017 edisyon.

Sa 2025 World 10-Ball event, makakasama ni Biado sa kampanya ang mga kababayang sina Lee Van Corteza, Jeffrey De Luna, Anthony Raga, Kyle Amoroto at Sean Malayan.

Sasabak ang Pinoy contingent laban sa mga ma­titikas na players sa mundo.

Kabilang na sa mga kum­pirmadong lalahok si veteran cue masters Ralf Souquet ng Germany na ka­sabayan pa ni Efren ‘Bata’ Reyes.

Lalahok din sina Shane Van Boening ng Amerikan Ko Ping-chung ng Chinese-Taipei at Joshua Filler ng Germanhy gayundin sina Denis Grabe ng Estonia, Gorst at Oi.