September 17, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Ilalabas na ni wing spiker Ran Takahashi ang buong lakas nito upang tulungan ang Japan sa huling laban nito sa group stage sa FIVB Men’s Volleyball World Championship na ginaganap sa Smart Araneta Coliseum.
Target ng Japan na magkaroon ng magarbong pagtatapos ang kampanya nito sa huling araw ng group stage. Nakatakdang harapin ng Japan ang Libya ngayong araw.
“For sure, we have to ask for a win, and we have to play aggressively more. We just have to win. But I think it’s our last game, and we have a nice experience for the future on the Japanese national team,” ani Takahashi.
Aminado si Takahashi na matindi ang bakbakan sa FIVB Worlds dahil sa malalakas na koponang kasali dito.
Lumasap ng dalawang sunod na kabiguan ang Japan kontra sa Canada at Turkey dahilan para mahulog ito sa 0-2 rekord sa Pool G.
Umaasa si Takahashi na makatutulong ang mga laro nito sa FIVB Worlds upang mas lalo pang lumakas ang kanilang tropa para sa mga susunod na torneong lalahukan nito.
