Eala sinibak si day | Pilipino Star Ngayon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 7, 2025 | 12:00am

Nagmartsa sa Guadalajara open finals

MANILA, Philippines — Muling umukit ng impre­sibong panalo si Alex Eala upang makalapit sa inaa­sam na kauna-unahang WTA title.

Halos hindi pinagpa­wisan ang 20-anyos na Pinay netter nang kubrahin nito ang impresibong 6-2, 6-3 panalo laban kay Kayla Day ng Amerika pa­ra makapasok sa finals ng Guadalajara Open na ginaganap sa Centro Pa­namericano de Tenis sa Me­xico.

Umabot lamang ang laro ng isang oras at siyam na minuto.

Ito ang ikalawang finals appearance ni Eala sa WTA Tour matapos ang ka­niyang una noong Hunyo sa Eastbourne Open sa Great Britain.

Ngunit natalo si Eala sa finals laban kay Maya Joint ng Australia sa iskor na 4-6, 6-1, 6-7 (10).

Kaya inaasa­hang ilalabas na ni Eala ang buong bagsik nito sa finals upang maisakatuparan ang mini­mithing kauna-unahang WTA Tour crown.

Subalit daraan muna sa butas ng karayom si Eala bago ito makuha.

Makakasagupa ng No. 2 seed na si Eala sa finals si Panna Udvardy ng Hungary.

Nakapasok sa championship round si Udvardy matapos patalsikin si Maria Kozyreva ng Russia sa pa­mamagitan ng 6-3, 6-4 pagwalis sa hiwalay na se­mis match.

Hindi ito ang unang pag­kakataon na maghaharap sina Eala at Udvardy.

Matatandaang nagtagpo na ang dalawa noong Abril sa Oeiras Open sa Por­tugal.

Matagumpay sa pagkakataon na iyon si Udvardy na naitakas ang 6-7 (4), 4-6 panalo laban sa Pinay netter.

Target ni Eala na maka­resbak kay Udvardy sa oras na muling magkrus ang kanilang landas.

Dahil sa magandang ratsada nito sa Guadalajara Open, inaasahang muling aangat si Eala sa WTA ran­kings.Sa katunayan, nasa No. 62 na ito sa live ran­kings ng WTA — malayo mula sa kaniyang No. 75 na dating puwesto.

Matapos ang Guadalajara Open, lilipad naman si Eala sa Brazil para sumabak sa Sao Paulo Open na gaganapin sa susunod na linggo.