Osaka Marvelous hinugot si Solomon


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 17, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Masisilayan na si opposite hitter Alyssa Solomon sa international stage bilang import matapos itong hugutin ng Osaka Marvelous para maglaro sa Japan SV. League.

Mismong ang Osaka Marvelous   ang nag-anunsiyo sa kanilang mga social media accounts para ipaalam ang paghugot nito sa mahusay na Pinay player.

“Solomon is an opposite who has competed in many international tournaments as the Philippines representative, and he has a great variety of aggressiveness,” ayon sa post ng Osaka Marvelous.

Naniniwala ang Osaka Marvelous na malaki ang maitutulong ni Solomon upang mapalakas ang kanilang kampanya sa season na ito.

“With the addition of Solomon, we will s­trengthen our team capabilities even more and move forward to achieving a consecutive title in the  SV. League,” ayon pa sa Osaka Marvelous.

Napansin ng Osaka Marvelous ang talento ni Solomon dahil sa husay nito sa UAAP women’s volleyball kung saan ti­nulungan nito ang Lady Bulldogs na masungkit ang tatlong korona sa liga.

Bukod pa rito ang matikas na ratsada ni Solomon sa iba’t ibang international tournaments kasama ang Alas Pilipinas.

Bahagi si Solomon ng Alas Pilipinas na nakasikwat ng pilak sa 2025 Asian Nations Cup na ginanap sa Hanoi, Vietnam.

Kasama rin ito ng Alas sa pagkopo ng dalawang tanso sa Southeast Asian V.League sa Leg 1 na ginanap sa Vinh Phuc sa Vietnam at Leg 2 na ginanap naman sa Nakhon Ratchasima, Thailand noong 2024.

Ang Osaka Marvelous ang dating team ni Jaja Santiago.

Ngunit nilisan ni Santiago ang Osaka Marvelous kung saan lumipat ito sa Denso Airybees na dati namang team ni playmaker Jia Morado-De Guzman.