September 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Inaabangan na ang pagdating sa bansa ni Brazilian volleyball star Leila Barros na magsisilbing guest of honor sa FIVB Men’s Volleyball World Championships.
Nakatakdang dumating sa Maynila si Barros sa Setyembre 26 kung saan inaasahang masisilayan na ito ng Pinoy fans sa Mall of Asia Arena sa Pasay City na magsisilbing venue ng knockout stage.
Excited na si Barros na muling makasalamuha ang kanyang mga Pinoy fans na naging malapit na sa kanyang puso noong aktibo pa ito sa kanyang volleyball career.
Dalawang dekada na ang lumipas nang huling tumuntong sa Pilipinas si Barros.
Huli itong nasilayan noong 2004 sa Manila Leg ng FIVB Women’s Grand Prix na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.
Kasama si Barros sa Brazilian team na naghahanda noon para sa 2004 Olympic Games sa Athens, Greece.
Ngunit mas una itong nakilala sa kanyang unang pagbisita sa Pilipinas sa 1999 FIVB Women’s Grand Prix Manila Leg.
Dinagsa ang Philsports Arena (na noon ay mas kilala sa tawag na Ultra) dahil kay Barros.
Napukaw nito ang puso ng Pinoy fans dahil sa kanyang husay sa paglalaro kasama pa ang maganda at maamong mukha nito.
Sa naturang taon, itinanghal si Barros bilang Most Popular Player.
Muling bumalik si Barros at ang Team Brazil noong 2000 para naman sa final round ng FIVB Women’s Grand Prix.
Nagtapos ang Brazil sa ikatlong puwesto sa naturang edisyon habang nasungkit ng Cuba ang kampeonato matapos talunin ang Russia sa finals.
