Coco at Kathryn, nanahimik?! | Pilipino Star Ngayon


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

September 23, 2025 | 12:00am

Hinahanap sa protest rally, Trillion Peso March, sina Kathryn Bernardo at Coco Martin.

Iyun ang nag-trending sa X kahapon, dahil ang inaasahan nila ay kasama rin ang mga bigating artistang ito na ilan sa mga nagbabayad ng mala­king income tax.

Nagpadala si Kathryn ng pagkain at tubig para sa mga raliyista, pero wala siya physically.

Ang team ni Kathryn ang nag-post sa X na nagpapaliwanag nang pananahimik nito. Bahagi ng post sa X; “As we always remind, think first before throwing words at them. They may not speak out vocally—some may even see that as cowardice—but the truth is, they have always chosen to work in silence. Silence can be misunderstood, but actions will always speak louder than words.”

Ang ilang netizens naman ay ikinokonek pa rin nila sa Lucena Mayor Mark Alcala. Kaya hindi raw ito nagpapakita, gawa nang pulitiko ang jowa.

Hindi na mapigilan ang mga ganung allegations, basta may masabi lang.

Pinuri pa nila ngayon sina Nadine Lustre, Maris Racal, at Andrea Brillantes na nasa EDSA at nakiisa sa ipinaglalabang pagsugpo sa korapsyon.

Pinuri rin ang mga male celebrities na nagpakalalaki raw at nanindigan para sa ating bayan. Kagaya nina Dingdong Dantes, Donny Pangilinan, Elijah Canlas, Darren, JM Ibarra, David Licauco, ­­ Dustin Yu, at marami pa.

Pero ang isa sa inaasahan nilang magsasalita ay si Coco Martin.

Inaasahan pa naman daw nilang ang itinuturing nilang hari ng masa, dahil sa pagiging Batang Quiapo nito,  isang primetime king, pero hindi raw nakiisa sa isinisigaw ng sambayanan.

Nabanggit nga ni Direk Joel Lamangan na napapag-usapan nila ‘yan sa set sa Batang Quiapo, pero ang iba ay tahimik lang.

Malapit kasi ang iba sa ilang pulitiko, kaya ayaw na lang nilang magsalita.

Si Coco kaya ang tinutukoy niya?

Ang iba naman ay wala naman sa rally, pero mai­ngay naman at nagbibigay ng opinyon sa social media.

Kanya-kanyang pagpapahayag ng saloobin sa nangyayari ngayon na karapatan nila iyun.

Pero si Vice Ganda at ang buong It’s Showtime hosts ay pinapanatili nila ang init sa nararamdaman ng mga tao.

Sa Showtime kahapon ay nakaputi lahat ng hosts at may white ribbon ding nakatali sa kamay.

Hindi rin nakakalimot si Vice Ganda na pag-usapan ang  tungkol sa mga contractor at ghost projects.