August 21, 2025 | 12:00am
Nagpaliwanag si Maine Mendoza sa kanyang X (Twitter) account tungkol sa mga sinabi niya tungkol sa kanila ni Alden Richards nang mapag-usapan nila ang Kalyeserye at AlDub sa kanilang podcast.
Maayos ang paliwanag niyang walang malisya ‘yun at naging totoo lang siya sa naramdaman niya noon na talaga namang na-in love siya noon kay Alden.
Ang galing ng netizens na nagkalkal ng mga nakaraang interviews kay Alden na ginawa sa kanya ni Kuya Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda. Diretsahan siyang tinanong ni Kuya Boy kung na-fall ba talaga siya kay Maine. Napangiting sagot ni Alden ng, “Yes. Hypocrite po ako kung hindi. Ayoko pong sabihing alam niya but I did confess.”
Pero iba ang sinabi ni Maine sa rebelasyong ibinahagi nito sa kanilang podcast.
Nung kainitan ng kanilang loveteam, wala silang sinasabi. Dahil nandun ba ang magic?
Para saan ba at pinag-uusapan bigla ang mga naganap sa Kalyeserye?
Nabuhay tuloy ang memories ng AlDub na talagang kinakiligan ng sambayanan.
Dala ng social media, YouTube, podcast at kung anu-anong platform, nabubuhay ang mga matagal nang namatay na isyu.
EA, thumbs up sa virginity issue ni Shaira
Napansin namin sa socmed ang reaksyon ng ibang netizens sa ipinagmamalaki ng bagong kasal na Edgar Allan Guzman at Shaira Diaz na hindi nag-practice ng pre-marital sex.
Kaya sa kanilang kasal, kaagad na pinik-ap ang nakakatuwang linya ni Shaira na magiging masaya na si EA kinagabihan.
Pero sa pag-apir nila sa Unang Hirit sinabi ni EA na tinulugan siya ng kanyang asawa. “Na-scam,” natawang hirit ni Shaira.
Hanggang sa kanilang social media ay nata-tackle pa rin nila ang kanilang first night at ang first time nilang pagtatalik pagkatapos ng kasal.
Na-off ang ilang netizens sa ganung pag-uusap dahil dapat ay pribadong usapan na raw ‘yun, lalo na’t ang virginity ni Shaira ang nababanggit.
Hindi na raw kailangang pag-usapan ‘yan sa publiko. Para sa isang birhen, dapat ay intimate na usapin na raw ‘yun.
Parang contradicting daw na ang isang konserbatibong tao ay open na ngayong pag-usapan ang ganung intimate na ginagawa ng mag-asawa.
Sana nga ay okay na ‘yun at hindi na kailangang pag-usapan pa nang paulit-ulit sa publiko.
Kahapon sa Fast Talk With Boy Abunda ay masaya lang nilang pinag-usapan ang kanilang pag-iisang dibdib.
Pero naisingit pa rin ang unang gabi na kung saan ay tinulugan lang daw ito ni Shaira. “Ako naman naintindihan ko. Mas maaga siyang nag-prepare sa akin. Tapos, after nu’n sa kuwarto na kami, sa hotel na kami, nagbilang na lang din kami.
“Kasi sabi ko sa kanya, pangit naman kung nakaganun na lang ako. Ayoko naman. Gusto ko naman ma-enjoy. Kasi ‘di ba nga, gaya ng sinabi ko sa inyo, ang pakwan ‘di ba?”
Pero nang kinumusta ni Kuya Boy six days after the wedding, napangiti lang si EA at napabulalas ng “two thumbs up!”
Sa September ay tutulak ang bagong kasal sa Switzerland para sa kanilang honeymoon.
Nakikita naman kung gaano sila kasaya, ngayong mag-asawa na sila.
Pacman, hinihintay tumulong sa sinapak ng kanyang player
Noong Lunes pala nag-file ng kasong Serious Physical Injury ang basketball player na si Jonas Tibayan ng Mindoro Tamaraws laban sa basketbolistang si Michole Sorela na nanapak sa kanya sa isang laro.
Kasama ang Pola Mayor na si Ina Alegre na nag-file ng kaso sa NBI.
Hindi naman daw nakipag-areglo ang kampo ni Sorela, o kahit humingi man lang ng paumanhin sa ginawa niya.
Sabi lang ni Mayor Ina, “Nag-message pa sa akin si Sorela, nabasa ko lang kahapon. Nagso-sorry siya sa nangyari. Hindi raw niya intensyon na saktan. Ang tagal naghintay nung bata e, na mag-sorry siya.”
Ang dating Sen. Manny Pacquiao ang may-ari ng Gensan Warriors na kung saan doon naglalaro si Sorela, hindi rin daw nakipag-ugnayan sa kanila para humingi ng paumanhin o kahit sagutin man lang daw ang hospital bills ni Tibayan. “Nag-message ako kay Sen. Manny dahil ang may-ari ng Gensan Warriors ay si Sen. Manny.
“Sabi ko paano ‘to ‘yung mga hospital bills, ganun. Pero walang reply e. Ang minessage sa akin ni Sen. Manny, ‘yung sinend sa akin na banned si Sorela ng lifetime. Hindi na siya makakalaro,” pakli ni Mayor Ina.
Wala raw silang nakuhang mensahe o kahit ano para makipag-ayos. Kaya pursigido silang ituloy ang kaso laban kay Sorela.
“Wala kaming nare-receive na anything.
“May nag-message lang sa akin na coach nila na to call me. Hindi ko lang na-reply. Pero sana pumunta sila sa hospital kung talagang willing sila na tulungan ‘yung player namin. Naghintay lang ‘yung pamilya na puntahan sa hospital. Malambot ‘yung puso nung bata e,” sabi pa ni Mayor Ina Alegre.
