Czechs ikinasa quarterfinals berth | Pilipino Star Ngayon


Pilipino Star Ngayon

September 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bumangon ang World No. 18 Czechia mula sa isang five-point deficit sa third set para resbakan ang World No. 37 Tunisia, 25-19, 25-18, 25-23, patungo sa quarterfinals ng 2025 FIVB Volleyball Men’s World Championship kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ito ang unang Top 8 appearance ng mga Czechs sa world meet sapul noong 1986 kung saan sila tumapos sa No. 8 place.

Umiskor si Patrik Indra ng 14 points at may tig-13 markers sina Jan Galabov at Lukas Vasina sa pagsampa ng two-time world champions (1956 at 1966) sa quarterfinals kaharap ang mananalo sa World No. 12 Serbia at World No. 16 Iran na naglalaban pa habang isinusulat ito kagabi.

Pumalo sina Oussama Ben Romdhane at Ali Bongui ng tig-10 points para sa mga Tunisians na tumalo sa Alas Pilipinas, 25-13, 25-17, 25-23, sa pagbubukas ng world meet noong Setyembre 12.

Mula sa 0-2 pagkakabaon sa laro ay binuksan ng Tunisia, ang 11-time African champions, ang third set sa 5-0 patungo sa pagtatayo ng 19-14 abante.

Isang 5-0 atake ang hinataw ng Czechia para agawin ang manibela, 20-19.

Huling nakadikit ang mga Tunisians, napantayan ang kanilang Round of 16 finish noong 2022, sa 23-24 matapos ang atake ni Bongui.

Ang hataw ni Indra laban sa dalawang defenders ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng mga Czechs.