September 25, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nauwi sa tabla ang friendly game ng NorthPort at Phoenix, 98-98, bilang bahagi ng kanilang preparasyon para sa inaabangang PBA Season 50 simula sa Oktubre 5 sa Smart-Araneta Coliseum.
Bumalikwas mula sa 19-point deficit ang Batang Pier sa likod nina Calvin Abueva at Cade Flores upang makapuwersa ng tabla sa kanilang unang laro kasama ang napipintong maging new team owner na si Bryan Calantoc ng Pureblends.
Isinasapinal na ang pagbili ng Pureblends sa franchise lock, stock and barrel ng NorthPort at inaasahang makumpleto ito sakto sa pagbubukas ng golden anniversary ng PBA buhat nang maitayo ito bilang kauna-unahang professional basketball league sa Asya noong 1975.
Bumida sa comeback win ng NorthPort si Jerrick Balanza na ibinuslo ang game-tying basket para sa magandang panimula ni coach Johnedel Cardel bilang bagong head coach nito.
Sumalang din sa Batang Pier sina Von Pessumal na nakuha nila sa free agency mula sa Ginebra pati na ang No. 13 overall rookie pick ng Gin Kings na si Mario Barasi matapos hindi mapapirma ng kontrata doon.
Limitadong aksyon lang muna ang sinalangan ng No. 4 overall pick na si Chris Koon ng Ateneo para sa NorthPort.
Bago rin ang head coach ng Phoenix na si Willie Wilson para sa makasaysayang golden anniversary ng PBA.
Samantala, umeskapo naman ang NLEX kontra sa Magnolia sa gabay ng bagong head coach na si LA Tenorio matapos ang game-winner ni JB Bahio tungo sa 78-77 panalo sa huling 5 segundo.