September 26, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Kasado na ang 12 koponan para sa pagsalang nila sa inaabangan at makasaysayang PBA Season 50 simula sa Oktubre 5 sa Smart-Araneta Coliseum.
Nasa huling bahagi na ang lahat ng teams ng kanilang ilang buwang preparasyon at bago tapusin ito para sa engrandeng opening ay sumabak muna sila sa PBA Media Day sa ETON Centris sa Quezon City.
Dalawang araw ang Media Day kung saan pormal na ipapakilala ang roster ng 12 koponan pati na ang bagong coaches sa bagong season tampok ang pagdiriwang ng PBA ng golden anniversary nito bilang kauna-unahang professional league sa Asya.
Unang sumabak sa TV, Print at Online media ang NLEX, Meralco, Magnolia, Converge, Blackwater at Barangay Ginebra.
Ngayong araw naman magpapaunlak ang reigning champion na San Miguel Beer, Talk ‘N Text, Terrafirma, Rain or Shine, Phoenix at NorthPort na napipintong maging Pureblends sakto sa pagbubukas ng PBA.
Nasa pinal na bahagi na ang NorthPort ng pagbenta ng franchise lock, stock and barrel nito sa Pureblends na mamanduhan ng bagong coach na si Johnedel Cardel kapalit si Bonnie Tan.
Mabibinyagan din sa Media Day ang bagong Magnolia head coach na si LA Tenorio na humalili kay long-time Hotshots mentor Chito Victolero.
Ilan pa sa bagong head coaches na makikilatis sa ika-50 taon ng PBA ay sina Pampanga governor Dennis “Delta” Pineda ng Converge, Willie Wilson ng Phoenix at Ronald Tubid ng Terrafirma.
Pinalitan ni Pineda ang noon ay interim head coach na si Franco Atienza, si Wilson naman ang humalili kay team consultant Jamike Jarin at si Tubid ang sumalo sa puwesto ni dating acting head coach Raymond Tiongco.
Inaasahang ilalabas na ng PBA ang buong schedule ng Season 50 simula sa Philippine Cup pagkatapos ng Media Day na tradisyon na nitong ginagawa bago ang magarbong opening ceremony.
