September 27, 2025 | 12:00am
In all fairness naman, tiningnan ko ‘yung Instagram page ni Heart Evangelista, hindi naman nabawasan ang kanyang followers.
More than 16 million pa rin ito.
Ok naman daw si Heart sa kasalukuyan at kinakaya ang mga kinakaharap na kontrobersiya ng mister na si Sen. Chiz Escudero.
Mas nagfo-focus diumano ito sa pagiging misis at maraming mga gustong gawin.
Like nagpa-plano itong magsulat ng libro.
Pero ayaw pang magbigay ng details ng tinanungan ko kung anong concept ng nasabing libro.
May narinig din akong kuwento na itutuloy ni Heart ang negosyong bagoong na matagal na nitong pinaplano.
Maaalalang kabilang ang kanyang amang si Rey Ongpauco sa may-ari ng Barrio Fiesta, na isa sa mga pinakamatandang Filipino restaurant chain sa bansa.
At may sariling recipe diumano ang ama nito ng bagoong na ipinakita niya noon sa parehong paraan na ipinakita niya kung paano siya naghahanda ng pata tim na napanood sa vlog ni Heart.
Ang unang hakbang, sabi ni Mr. Ongpauco, ay hugasan nang maigi ang alamang (maliit na hipon o krill), alisan ng tubig at ilagay sa kaldero.
Kaya marami noong sumubok sa kani-kanilang bahay.
Aniya pa sa nasabing lumang vlog ni Heart ay lagyan ng mantika, haluin lang upang maiwasan ang pagkatuyo at pagiging malutong ng alamang.
Ang bagoong ay magiging handa raw pagkatapos ng humigit-kumulang tatlong oras na pagluluto.
Sabi niya pa sa nakalkal na vlog ng ilang netizen, na ‘wag agad ilalagay ang bawang kasi raw ‘pag nilagay kaagad, papait ang bagoong.
Kailangan din daw lagyan ng pork bits tulad ng bagnet o chicharon pati na rin ng shrimp cubes para sa dagdag na lasa.
At ito raw ang pinaplano ni Heart na negosyohin habang hindi muna siya dadalo sa mga fashion week sa Europe.
May sariling recipe diumano si Heart na nakatago.
Bagoong na sosyal ang lasa.
Anyway, nauna nang inanunsyo ng actress at fashion icon na lalaktawan niya ang mga Fashion Week ngayong season sa Milan at Paris para pagtuunan ng pansin ang legal na aksyon laban sa mga online basher na nag-uugnay sa kanyang trabaho sa mga iskandalo sa katiwalian.
Kasabay nito ay humingi siya ng paumanhin sa mga tagahanga na inaasahan ang kanyang pagrampa sa international runway.
“I’m sorry for my fans that I’m not going to Fashion Week. I know that you guys say ‘laban, laban.’ I really appreciate you. But honestly, I don’t think it’s the right time for anyone to, especially from our country, to be going to Fashion Week because I think we need to be here. Not necessarily to be in the rally… but it’s important that we open our eyes, and we truly become one and empathize and really see what’s going on, and see what we can do,” sabi niya.
Ang Kapuso actress ay isa sa nagiging attraction sa Fashion Week sa loob ng maraming taon, kung saan madalas na pinupuri para sa kanyang front-row appearances at luxury partnerships. Kinumpirma niya na hindi ito permanenteng pahinga, na nagpapahiwatig ng posibleng pagbabalik “marahil sa susunod na season,” sabi niya in English.
Ayon naman sa source ay hindi rin apektado ang mga endorsement ni Heart sa kasalukuyan.
Sabagay alam naman ng lahat na may pre-nuptial agreement sila ng mister na si Sen. Chiz na idinadawit sa kasalukuyang nagaganap na imbestigasyon sa flood control projects.
“Since I’ve been working for a long time, the late senator Miriam Defensor who is like a second mother to me, who handled most of my contracts when I was younger. She demanded that I get a prenup with my now-husband.
“Which means, we have complete separation of assets,” paliwanag ni Heart tungkol dito.
