September 29, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Dalawang dekada na ang nakalilipas nang huling masilayan sa aksyon si Brazilian volleyball star Leila Barros sa Pilipinas sa FIVB Women’s World Grand Prix na ginanap sa Philsports Arena sa Pasig City.
At sa pagbabalik ni Leila sa Maynila, buhay na buhay pa rin ang ‘Leila mania’ matapos ang mainit na pagtanggap ng mga Pinoy fans.
Nasa bansa ngayon si Leila bilang guest of honor sa FIVB Men’s Volleyball World Championship.
Kaya naman pagpasok pa lamang sa arena, dumagundong na ang hiyawan para sa Brazilian star na isa nang senador ngayon sa kanilang bansa.
Hindi maitago ni Leila ang saya na muling makasalamuha ang mga fans nito lalo na ang mga dating nakasama nito noong FIVB Grand Prix.
Sinariwa ni Leila ang karanasan nito habang naglalaro kasama ang Brazilian volleyball team.
“The memory that stands out the most is the natural empathy she felt soon as she entered the stadium with Filipino people,” ani Leila.
Kabilang na rito ang mga placards na nakikita nito sa stand gaya ng Leila Marry Me at ng Leila for President.
Nais ni Leila na maging bahagi ng pagbabago para sa mga kababaihan at sa pagpapalago at pagpapaganda sa kalikasan.
