Alex Eala hahataw naman sa Suzhou Open


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

September 29, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines —  Sesentro na ang a­ten­siyon ni Pinay netter Alex Eala sa Suzhou Open na magsisimula ngayong araw sa Suzhou, China.

Unang makakaharap ni Eala si Katarzyna Kawa ng Poland sa opening round ng torneo. Nakatakda ang laro sa alas-10 ng umaga.

Hindi ito ang unang pag­haharap nina Eala at Kawa.

Nagtagpo na ang da­lawa noong 2022 sa ITF tournament sa Templeton, California kung saan nanalo ang Polish player sa iskor na 2-6, 6-4, 0-6.

Nasa juniors division pa noon si Eala kaya’t inaasahang mas magiging maganda na ang resulta nito sa oras na muling magtagpo ang kanilang landas.

Isa si Eala sa mga see­ded players sa torneo.

Hawak nito ang No. 4 seed sa ilalim nina top seed Iva Jovic ng Amerika, second seed Tatjana Maria ng Germay at third seed Suzan Lamens ng Ne­therlands.

Nasa No. 5 seed naman si Yulia Putinseva ng Kazakhstan, ikaanim si Viktorija Golubic ng Switzerland at ikapito si Lucia Bronzetti ng Italy.

Target ni Eala na maka­resbak sa Suzhou Open matapos masibak sa semifinals ng Jingshan Open noong Sabado.

Lumasap si Eala ng three-set loss kay Lulu Sun ng New Zealand dahilan para tuluyan na itong mamaalam sa kontensiyon.

Lalaro rin sa Suzhou Open si Sun gayundin si Katie Volynets na tinalo ni Eala sa opening round ng Miami Open.

Target ni Eala na ma­ka­abante ng husto sa Suzhou Open upang mapaangat ang puwesto nito sa WTA rankings.

Kasalukuyan itong nasa No. 57 posisyon sa WTA live rankings na mas mabababa sa kanyang unang puwesto noong nakaraang linggo na No. 55.