October 4, 2025 | 12:00am
Muling magbabalik sa panibagong season ang hit ABS-CBN Studios talent reality competition na Your Face Sounds Familiar tampok ang tatlong nagbabalik na musical icons ng bansa bilang jury na sina Gary Valenciano, Ogie Alcasid, at Sharon Cuneta at ang panibagong hosts na sina Vhong Navarro at Jhong Hilario.
At si Vhong bilang bagong sabak sa YFSF, ang isa sa gustong gayahin ay si Gary Valenciano.
Anyway thankful sila Vhong dahil binigyan sila ng break na mag-host ng YFSF ni Jhong: “Ah mas liit po ang talent fee namin kaya kami ang kinuha,” sabay tawa nito.
“Sobrang thankful kami na nabigyan kami ng break para makapag-host sa ulit sa primetime at maibigay namin ang best namin sa pagho-host. Kaya gagawin namin ang lahat hindi man namin mapantayan ang husay at galing nina Billy (Crawford) at Luis (Manzano), pero ibibigay namin ang best namin,” sabi pa ng It’s Showtime host na sa media conference pa lang ay alam mo nang walang humpay ang tawanan.
Pero may pressure man daw silang nararamdaman, sinisigurado nilang mapapantayan ito ng saya at katatawanan tuwing Sabado at Linggo.
Ayon naman kay Jhong, “Ramdam namin ang pressure, pero nagpapasalamat kami sa ABS-CBN sa tiwala. Ang layunin namin ay maghatid ng saya sa lahat.”
Pasabog na transformations at performances ng local at international singers ang dapat abangan sa walong performers na sina Akira Morishita, Alexa Ilacad, Dia Mate, Jarlo Base, Jason Dy, JM Dela Cerna at Marielle Montellano, Pepe Herrera, at Rufa Mae Quinto.
Magsisilbi namang gabay sa walong performers ang mentors na sina Nyoy Volante at Klarisse de Guzman.
Tuluy-tuloy rin ito sa online show hatid ng online hosts na sina AC Soriano, Krystal Brimner at Vivoree Esclito.
Mapapanood ang premiere ng Your Face Sounds Familiar simula Oktubre 4 (Sabado),7:15 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live at A2Z. Mapapanood din ito sa TV5 tuwing Sabado ng 8:15 p.m. at Linggo ng 8:30 p.m.
Pagbebenta ng kotse, niraraket na rin ng ibang celeb
May ilang celebrity na ring rumaraket sa pagbebenta ng kotse.
Yup, kahit ang veteran actress na si Dexter Doria, gow na rin sa car selling.
Kasama siya sa official launching ng MCars PH, ang First-Ever Elite Agent Platform sa car industry.
Ang MCars PH, isang kilalang kumpanya ng dealership ng kotse na itinatag ni CEO Jed Manalang at kinilala para sa natatanging Rent-to-Own program nito— only basic requirements, hassle-free, and with same-day release without bank approval—ay nagkaroon nga ng official launching noong Setyembre 26, 2025, sa Music Box, Timog.
Ang groundbreaking platform na ito ay ang kauna-unahang multi-level network marketing program sa bansa kung saan ang mga ahente ay maaaring magbenta ng mga sasakyan nang hindi nangangailangan ng anumang capital o puhunan.
Ang platform ay naglalayon na bigyang kapangyarihan ang mga ordinaryong Pilipino na maging car seller sa pamamagitan lamang ng pagkonekta ng mga kliyente, habang pinangangasiwaan ng MCars PH ang proseso ng pagbebenta at pagsasara ng transaksyon.
Ang mga ahente raw ay nakakakuha ng mga komisyon mula ?5,000 hanggang ?100,000 bawat unit na nabenta, depende raw on the car category and commission set—with payouts released on the same day ng transaction.
Ito rin daw ay fully equipped with everything na kailangan ng agents to succeed, including training programs, the full list of available cars, and sales tools—ensuring every partner has the knowledge and resources to sell effectively.
Higit pa raw sa platform, patuloy na ibinubukod ng MCars PH ang sarili sa industriya ng automotive sa pamamagitan ng mga serbisyong nakatuon sa customer.
At hindi lang sila aniya nagbibigay ng isang Rent-to-Own na option, ngunit nag-aalok din ng mga flexible na upgrade at downgrade na nagbibigay sa mga kliyente ng freedom na ayusin ang kanilang mga sasakyan batay sa pagbabago ng mga pangangailangan at pamumuhay.
May option din ang mga kliyente na tanggapin ang kanilang sasakyan sa pamamagitan ng Cash on Delivery.
Well, baka nga mas malaki pa ang commission sa pagbebenta ng kotse kesa maghintay ng offer sa pelikula or teleserye.
Isang MMFF entry 2025, naghahanap pa ng financier
Naghahanap pa rin ng financier ang isang pelikula sa first four official entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025.
Family drama ito pero ‘yun nga, wala pa palang pondo ang tumatayo nitong producer.
May mga inaalok itong mga possible investor pero pinayuhan ang nasabing possible investor na if ever ay ‘wag siyang mag-expect ng return of investment kaya’t umatras daw ang nasabing possible investor.
Sa totoo lang, ang daming mga baguhang producer ang sumusubok na mamuhunan sa pelikula, pero sa huli ay luhaan sila dahil walang bumalik sa kanilang pera na kabaliktaran sa ipinangako sa kanila nang alukin silang mag-invest sa kung anumang pelikula ‘yun.
Kaya ang ending ang ibang sumubok na mag-invest sa pelikula, hindi na umulit.
Kabilang ang industriya ng pelikula sa bansa sa apektado sa malalang korapsyon sa ating pamahalaan.
OA ang tax sa film industry na noon inaapelang magkaroon ng tax holiday.
