October 4, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Lalarga ngayon ang dalawang araw na selebrasyon ng PBA ng 50th Golden Anniversary tampok ang dalawang patikim na events sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City at sa Meralco Theater sa Pasig City.
Titipunin ng PBA sa isang Fellowship Dinner sa Meralco Theater ang lahat ng mga players, coaches, officials, managers, team staff, PBA employees at media na naging bahagi ng PBA simula nang maitatag ito noong Abril 9, 1975.
Iyon ang nagbigay-buhay sa PBA bilang kauna-unahang professional basketball league sa Asya kaya marapat lang na kilalanin ang lahat ng naging bahagi nito sa limang dekada, ayon kay Commissioner Willie Marcial.
“Iniimbitahan namin kayong lahat sa PBA 50th year reunion dahil paparangalan natin lahat ng mga naging bahagi ng liga sa loob ng limang dekada,” ani Marcial.
Dito ay gagawaran din ng parangal ang PBA 50 Greatest Players, habang paiindakin at pakakantahin ang lahat ng mga OPM legends na sina Martin Nievera, Gary Valenciano, Bituin Escalante, Mitoy at ang The Draybers tampok ang greatest hits sa nakalipas na limang dekada.
Bago iyon ay magkakaroon ng Grand Fans’ Day ang PBA sa Big Dome simula alas-2 ng hapon at tatagal ng apat na oras tampok ang performences ng mga players at ng PBA All-Star Band.
Saktong patikim ito para sa PBA bago ang mismong pagdiriwang kinabukasan sa Smart Araneta Coliseum para sa opening ceremony ng PBA Season 50 na magsisimula sa 2025 Philippine Cup.
Bibida sa opening ang parada ng 12 teams kasama ang kanilang mga muses, concert, fireworks at ang bigating ‘Manila Clasico’ sa pagitan ng Barangay Ginebra at Magnolia sa natatanging laro sa alas-7:30 ng gabi.