Bagets Musical, kumpleto na ang cast!


RATED A — Aster Amoyo — Pilipino Star Ngayon

October 5, 2025 | 12:00am

Alam mo, Salve A., ngayon pa lamang ay marami na ang nag-aabang sa musical adaptation ng 1984 classic hit movie na Bagets na pinamahalaan ng yumaong award-winning director na si Maryo J. de los Reyes under Viva Films which launched the individual careers of William Martinez (after Regal Films), Aga Muhlach, Herbert Bautista, J.C. Bonnin at Raymond Lauchengco.

Pinamagatang Bagets: The Musical, ito’y pamamahalaan ng theater director na si Maribel Legarda with playwright J-mee Katanyag habang si Vince Lim naman ang tatayong musical director with Philippine Educational Theater Association (PETA) handling the production.

Ang Bagets: The Musical ay mapapanood simula sa darating na Jan. 23, 2026 hanggang March 2026 at the Newport Performing Arts Theater ng Newport World Resorts in Pasay City.

Ito’y unang kolaborasyon ng Viva, Newport World Resorts and PhilStar Media Group.

Alam na namin ang mga bibida rito pero hintayin muna nating i-announce ito.

Sa rami ng magagandang hit films ng Viva, tiyak na masusundan pa ng iba pa ang Bagets: The Musical na tatakbo ng dalawang buwan sa Newport Performing Arts Theater.

Pen Medina, paulit-ulit ang pa-ty kay Coco

Hindi ikinakaila ng veteran award-winning actor, acting coach at painter na si Pen Medina (75) na malaki ang utang na loob niya sa bida, co-director, writer at producer na si Coco Martin hindi lamang dahil isinama siya sa tumatakbo nitong hit action-drama series na FPJ’s Batang Quiapo kundi malaki ang naitulong nito sa kanya nung magkasakit siya nang matagal.

Nang siya’y gumaling sa kanyang sakit ay agad siyang isinama ni Coco sa FPJ’s Batang Quiapo maging ang isa sa kanyang mga anak na artista rin na si Ping Medina.

Hindi rin nagkait ng kanyang oras si Coco nang magbukas ang kauna-unahang painting exhibit ni Pen kamakailan lamang na ginanap sa Gateway Art Gallery.

“Hindi lamang mataba ang utak ni Coco kundi pati puso niya,” pahayag ni Pen nang ito’y aming makapanayam sa aming online show, ang TicTALK with Aster Amoyo sa aming YouTube channel.

Hindi tinapos ni Pen ang kanyang pag-aaral sa University of Santo Tomas ng Fine Arts maging sa University of the East ng Journalism dahil inagaw na siya ng acting na kanyang sinimulan sa teatro bago niya napasok ang pelikula at telebisyon.

Hinding-hindi rin umano niya makakalimutan ang kanyang unang mentor sa teatro. Ang veteran actor na si Joonee Gamboa habang ang yumaong National Artist for Film na si Ishmael Bernal naman ang nagbigay sa kanya ng break sa pelikula sa classic film na Himala ng National Artist for Film and Broadcast Arts, ang Superstar na si Nora Aunor.

Ang bawat painting na kanyang ginagawa ay may kuwento at may koneksyon sa iba niyang paintings at ang mural ng kanyang ginawa ay summary ng lahat ng kanyang paintings.