October 6, 2025 | 12:00am
Maraming mga bagay na natututunan sina Jackie Gonzaga at Cianne Dominguez mula kay Vice Ganda pagdating sa trabaho. Bilang mga host ng It’s Showtime ay talagang ibinibigay ng dalawa ang lahat ng kanilang makakaya upang mapasaya ang mga manonood.
“Ako in terms po sa trabaho, natutunan ko talaga kay Ate na every day, ‘pag may pagkakataon ka sa trabaho, hindi pwedeng puchu-puchu. Kailangan sagad palagi, no matter what ibigay mo,” pagbabahagi sa amin ni Jackie sa Fast Talk with Boy Abunda.
“Ako ‘yung pagiging generous niya. ‘Yung pagse-share niya ng blessings na natatanggap niya sa ibang tao, kung ano ‘yung natatanggap niya, binibigay talaga niya nang walang kahit anong doubt, walang kahit anong hingi ng balik, gano’n. Pero nagbibigay talaga siya,” dagdag naman ni Cianne.
Sa paglipas ng mga taon ay talagang nakikipagsabayan na sa hosting ang dalawa sa mga kasamahan sa programa. Matatandaang nagsimula si Jackie bilang isa sa mga dancer ng It’s Showtime bago pa nabigyan ng pagkakataon na maging host. Ayon sa dalaga ay inoobserbahan na niya mula noon pa man kung gaano kagaling sa hosting ang mga kasamahan tulad nina Vice Ganda, Vhong Navarro at Anne Curtis.
“Ever since kasi fan nila ako. So talagang nag-o-observe ako sa kanila, naaliw ako, pinapanood ko sila. Talagang ‘yung mga galawan nila nagiging gawi ko. And ‘yung paglaon ng panahon, ‘yung relationship namin do’n po siya nabi-build kaya ‘yung pakiramdaman, nagiging natural na lang. Parang alam mo na kung kailan ka makiki-react, makikisalita,” paglalahad ni Jackie.
Bilang isa sa mga pinakabagong host ng naturang noontime show ay pinag-aaralan pa rin daw ni Cianne ang lahat ng ginagawa sa araw-araw.
“Ako ‘yung pinakabago, sobrang wala po akong experience sa kahit na anong anything sa showbiz industry. Kaya naman until now, masasabi kong learning pa ako kung paano mag-cope sa kanilang lahat. As in ngayon po, hindi ko pa talaga nakukuha kung ano ‘yung tamang gagawin, and every day I am learning,” paliwanag naman ni Cianne.
Malaki na ang naitulong ng It’s Showtime sa personal na buhay nina Cianne at Jackie. Bukod sa pagkakaroon ng regular na hanapbuhay ay mas nakilala ng dalawa ang kanilang mga sarili.
“Ako ‘yung hindi pag-doubt sa sarili na… kaya mo ‘yan. Kaya ka nilalagay diyan kasi kailangan mong gawin ‘yan,” giit ni Cianne.
“Nabago po ng Showtime (ang buhay ko), sobrang laki ng pagbabago po. Kasi feeling ko dito ako talagang lumabas sa shell ko. Parang nag-bloom, parang mas minahal ko ‘yung sarili ko at parang mas natutunan kong i-embrace kung anong meron ako. And ‘yung talents, lahat, madami akong na-discover sa sarili ko,” makahulugang pahayag naman ni Jackie.
(Reports from JCC)
