October 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Muling magsasama sina college teammates Brooke Van Sickle at Lindsey Vander Weide sa paghataw ng Petro Gazz sa 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference na magsisimula bukas.
Magbabalik si Vander Weide sa Gazz Angels na iginiya niya sa korona noong 2022 edition sa ilalim ni dating coach Rald Ricafort ng PLDT High Speed Hitters.
Hinirang siyang Best Import at Finals MVP ng torneo.
Tatlong taon naging magkasangga sina Vander Weide at Van Sickle sa University of Oregon bago naghiwalay ng landas.
“You guys know Brooke is a huge arm. I’m a big arm so I know that duo is going to be really good, just like it was back then,” sabi ng 27-anyos na American import sa Fil-Hawaiian spiker.
Si Van Sickle, kasama si Fil-Am MJ Phillips ang bumandera sa pagsikwat ng Petro Gazz sa 2024 PVL All-Filipino Conference championship.
Ang muling pagrereyna ng Gazz Angels sa 2025 Reinforced Conference ang hangad ni Vander Weide.
Papalo bukas ang torneo tampok ang salpukan ng Akari at ZUS Coffee sa alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng Capital1 Solar Energy at Choco Mucho sa alas-6:30 ng gabi sa Ynares Center sa Montalban.
