October 12, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tatlong extra periods ang kinailangan ng University of Sto. Tomas bago nilapa ang Ateneo de Manila University, 98-89 sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament na nilaro sa Ateneo Blue Eagle Gym kagabi.
Nagsanib puwersa sina Collins Akowe at Nic Cabañero upang itaguyod ang Growling Tigers sa extra periods at itakas ang napakahirap na panalo.
Tumikada si Cabanero ng 22 points, 11 rebounds at tatlong assists para sa UST na nirehistro ang 4-1 karta habang nalasap ng Blue Eagles ang pangalawang talo sa anim na salang.
Nakitaan agad ng lakas ang Blue Eagles sa first canto nang hawakan nila ang eight-point lead, 28-20 pero natapyasan ng Growling Tigers ang hinahabol sa second quarter para muling makadikit, 37-33 sa halftime.
Nagpatuloy ang matikas na laro ng España-based team sa third quarter upang maagaw ang bentahe, 55-53 papasok ng fourth period.
Subalit naging mainit ang labanan sa payoff period at hindi nag-iwanan ang dalawang koponan upang mapuwersa ang laban sa triple overtime game.
Naging matagtag at mahaba ang hininga ng UST hanggang sa dulo habang nakaramdam ng pagkahingal ang Blue Eagles na dahilan para kapusin.
Sa unang laro, kinalsuhan ng Adamson University ang three-game losing streak matapos nilang kaldagin ang University of the East, 77-62.
Tumikada si Allen Torres ng 16 points para akbayan ang Soaring Falcons na ilipad ang pangalawang panalo sa anim na salang.
Samantala, patuloy na minamalas ang UE dahil wala pa silang naipanalo sa limang laro.