October 13, 2025 | 12:00am
Ayaw na ayaw ni Rey Valera ang pulitika.
Aminado ang OPM legend na marami siyang natanggap na offer, pero hindi siya napapayag.
Kaya kahit na sa mga political rally, ayaw niyang mag-perform.
“Umiiwas ako. Minsan malalaman ko na lang kapag andun na ‘ko [na] para pala sa pulitiko. Wala na akong magawa,” sabi niya sa interview namin sa grand media conference ng Sing Galing: Sing-lebrity Edition na nag-umpisa na noong Sept. 27 at 28.
Pero wala na rin siyang nagagawa kapag ganu’ng sitwasyon na. “Umiiwas ako. Hindi naman dahil sa galit ako sa pulitiko pero kapag kasi ina-associate sa isang partido, magagalit ‘yong kabilang partido.”
Ito ay kahit na malaki pa raw ang offer na talent fee.
“Ayoko talaga. Kasi masyadong polarizing ‘yong politics,” kuwento niya pa sa interview namin kamakailan.
Katuwiran niya pa: “Saka alam mo kung bakit? Na-realize ko na kapag nag-pulitiko ka, may sitwasyon dun. May industriya ‘yan, parang [kagaya] ng showbiz na may industriya. Maraming players, maraming kumikita, maraming nakikinabang, may ibang mahina.
“Producers, directors, actors, extra, camera man, lahat may kanya-kanyang papel. Ganoon din sa pulitika. Mayroong barker, may tagabayad, alam n’yo na…,” pagkukumpara pa niya.
Taga-Bulacan si Rey Valera, may mensahe ba siya sa mga Department of Public Works and Highways officials na bilyones diumano ang mga nadekwat habang nasa posisyon?
“‘Yung mga ‘yon. Lalo na ‘yong district engineers, ako, ang masasabi ko sa inyo, hindi ako nag-aano ng tao, hindi ako mapanghusga. Kahit na prostitute ka, wala akong masamang pinapansin. Wala, wala. Wala akong kahit anong—ang [goal] mo is to survive. Okay, ang ibig sabihin ko, kapag nagkakaroon ng consequences [na] nakakaperwisyo ka sa kapwa, diyan nagkakaroon ng consequences.
“Pero ang ibig kong sabihin—alam naman ng buong Pilipinas [na] may sistemang ganito. Tanga na lang [ang] hindi nakakaalam. Parang ‘yong ginagawa lang ng senado, nilalabas lang [o] ino-open. [Pero] may ganoon na mga porsyento-porsyento. Matagal na ‘yan. Ngayon, papaano [kung isa] kang contractor o empleyado, [paano] ka tatanggi samantalang ‘yan ‘yong inabutan mong kalakaran. Tell me how?
“Ibig sabihin, kung kinakailangan mag-survive ka at ang pamilya mo—papaano, lumaro ka roon sa kung papaano ‘yong sayaw at anong tugtog, anong gagawin mo? It is to survive. Sasabihin ba, “makibaka, huwag matakot”—hindi e, hindi ganoon ‘yong gagawin mo. You’ll do everything to survive.
“Hindi ko sila pinagtatanggol ah, ang sinasabi ko lang [ay] mayroon na [talagang] sistemang ganoon. Ganoon ang sistema e,” mahabang komento niya tungkol sa nagaganap na imbestigasyon.
Tubong Bulacan si Mr. Valera. Kaya alam niya ang mga pagbaha sa kanilang bayan.
‘Yung bahay n’yo po ba ay binabaha? Noon daw.
Pero pinataas niya para bumaha man, hindi aabutin ang kanilang bahay.
“Kaya nagpapasalamat ako roon sa Pangako Sa’yo, dahil noong ginawa ‘yong telenobela na ‘yun, two years running ‘yun. Giniba ko ‘yong bahay ko [tapos] tinayo ko ulit at pinataas ko hanggang dito (habang dini-demonstrate niya). Ngayon, lumulubog ‘yong buong paligid pero ‘yong bahay ko ay hindi masyado. Pero kapag lumabas ka ngayon doon, hanggang dito ‘yong tubig (hanggang leeg). Ganoon ‘yon. ‘Yun ‘yong sitwasyon.”
Samantala, at this point in time ay wala pa raw sa isip niya ang magreretiro.
“Kung okay lang sa inyo, babanggitin ko na ‘yong ginagawa ko ngayon. Hindi mag-retire [pero] gumawa ng legacy. What I’m doing now— nag[tayo] ako ng isang project na ang tawag ko ay Sigma 54. Nagtayo ako ng Youtube Channel [na tawag ay] Sigma 54. Tinatambak ko ‘yong mga [luma’t bago kong] kanta [pa]unti-unti sa channel na ‘yon.
“Ang idea noon [ay] kapag dumating ang araw na wala na ‘ko [o] ‘di ko na kaya, maaalala ng mga bata “ito pala ‘yong mga kanta ng lolo ko, mga tita ko,” ganoon. [O baka] maisip nilang gumawa ng kanta, mayroon siyang point of reference. Parang legacy na rin ‘yon…”
Anyway, sa kasalukuyan sinasabing ititigil na ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee sa multibillion-peso flood control corruption scandal ayon kay acting chairman Sen. Erwin Tulfo.
At ang susunod na pagdinig daw ay gaganapin na sa Nov. 10 pagkatapos ng isang buwang pahinga ng Senado.
So alam na daw?
Sinu-sino kaya ang makukulong at mapaparusahan sa nangyaring malalang korapsyon sa ating bayan?
