October 13, 2025 | 12:00am
Dalawang dekada nang aktibo si Jona sa music industry. Umaasa ang singer na mas marami pang kanta ang magagawa para sa lahat ng patuloy na sumusuporta sa kanya.
“I am very content talaga. Siyempre may mga dreams and goals pa naman, na sana mas maka-release pa ako ng mas maraming original music. And maka-collaborate sa mga magagaling na Filipino artists and hopefully mga international artists na rin,” pagbabahagi ni Jona sa Are You G?
Naghahangad si Jona na magsisilbing inspirasyon para sa mga kabataang nangangarap din na maging isang tanyag na mang-aawit.
“‘Yung nilu-look forward ko sa 20 more years, gusto ko na maging inspiration pa rin especially sa mga young talents na hindi madali ‘tong journey na ‘to pero sana huwag silang susuko sa pangarap nila. The moment na malapit ka nang sumuko, next step ‘yon na pala ‘yung inaasam-asam mong goal. So huwag kang gi-give up. Konti na lang talaga, you are closer to your breakthrough,” paglalahad ng singer.
Hindi raw inakala ni Jona noon na magtatagal siya sa industriya. Minsan na ring sumagi sa isipan ng singer na tumigil na sa kanyang propesyon.
“Hindi ko po talaga inaasahan na aabot ako ng 20 years. Kasi nga no’ng pandemic sabi ko talaga ayaw ko na mag-showbiz, pagod na ako sa sobrang pressure. I wanna do something different naman. Sabi ko do’n na lang ako titira sa bundok, magtatanim na lang ako ng mga gulay. Ibang-iba kasi ‘yung simple life compared sa glitz and glamor ng show business, behind the scenes ng showbiz. Grabe ‘yung pressure, ‘di ba? Doon kasi sa (Rizal), napakasimple ng life and nando’n din ‘yung animal rescue namin,” kwento ng dalaga.
Carla, gustong maging pribado ang relasyon sa magiging asawa
Kamakailan ay napabalitang may bago nang nagpapatibok sa puso ni Carla Abellana. Ngayon naman ay may bulung-bulungan na nakahanda na ulit magpakasal ang aktres.
“Kung totoo man po ‘yon o hindi, of course that’s part of my private life. I would like to keep it private. I invoke my right to self-incrimination. So I refuse to say yes, I refuse to say no,” makahulugang pahayag ni Carla sa 24 Oras Weekend.
Matatandaang ikinasal sina Carla at Tom Rodriguez noong October 2021. Taong 2022 naman nang mauwi sa hiwalayan ang mag-asawa. Hindi man nagtagal ang pagsasama nina Carla at Tom ay naghahangad nang muling maikasal ang aktres.
“That’s coming from a person who’s very wounded and broken. Of course, I’m a different person today than I was before or yesterday,” giit niya.
Hindi naging madali para kay Carla ang narasaan sa kanyang buhay may-asawa noon. Hanggang maaari ay ayaw na raw ng aktres na isang artista ang bagong lalaking magmamahal sa kanya nang lubos.
“Ayoko na po ng showbiz. Kung feel ko pong exclusive, exclusive po. Pero ‘pag hindi po, gusto kong mag-enjoy, okay lang. Depende kung sino pong ka-jive ko. Basta maayos na tao, wala pong tinatago,” pagtatapos ng aktres. (Reports from JCC)
