Chad, wala nang chance na magka-cancer ulit


Napaka-inspiring ng kuwento ng balladeer na si Chad Borja na nagbabalik sa concert scene.

Humarap siya sa ilang miyembro ng media noong Huwebes para sa concert niyang All That Sound na nakatakda sa Nov. 28 sa Music Museum.

Sa aming pakikipanayam kay Chad, binalikan namin ang isyung pagkakasakit niya noong kainitan ng singing career niya.

Nilinaw niyang Thyroid Cancer daw ‘yun o Papillary Carcinoma na naging dahilan kung bakit tumigil muna siya sa pagkanta at nagpahinga sa bahay niya sa Davao City.

Pero malaki raw ang nabago ng pagkakasakit niyang ‘yun, at ibinahagi ni Chad ang mga natutunan niya sa karanasang ‘yun.

Simula ng kuwento niya, “Nung nasa Makati Med ako, while recuperating, merong nasa harap ng aking kuwarto, merong nag-successful na heart transplant, pero namatay siya after two weeks.

“Nagkaroon ako ng parang trauma na ayokong mangyari sa akin ‘yan.

“In fact, walang press na nakakapasok sa kuwarto ko, kasi ayaw kong ma-stress. Baka mamatay ako sa stress.

“So, ang nangyari dun sa kabilang kuwarto, hindi siya namatay sa transplant, kundi sa stress kasi naging successful ang kanyang transplant, tumatanggap siya ng mga bisita. Ayoko ng ganun.

“Kaya ang ginawa ko, hindi talaga ako tumanggap ng bisita sa hospital. And then… of course marami kang realization na wow! Cancer!”

Ngayon ay maingat siya sa kanyang kalusugan at regular pa rin siyang nagte-take ng gamot niya.

Kapag na-miss daw niya kasi ang gamot, pinupulikat daw siya at parang may nagtu-twitch sa mata niya.

“Ngayon, parang hindi ako makapaniwala na nagka-cancer ako. May dala akong bag lagi, hanggang ngayon may iniinom pa rin ako na gamot.

“Realization, ang natutunan ko dun, ang buhay, anytime… parang tomorrow is not guaranteed ‘no? So, para sa akin, I always savor everyday, every moment na meron ako.

“Natutunan ko ‘yung how you react in everything in life ‘no? Kung may isang tao na sasabihin sa ‘yo na masama, bago mo i-control ’yung sarili mo, papatulan ko ba ito o hindi? ‘Yun ang natutunan ko e.

“I learned how to say no to my friends.

“Dati kasi, kaya siguro ako nagkasakit kasi sa sobrang stress na ‘pag nag-imbita si ganito, nag-imbita si ganyan, kahit kulang sa tulog, pumupunta pa rin ako,” dagdag niyang pahayag.

Sa edad na 59 ay kita pa rin ang magiging matikas ni Chad.

Isa siya sa mga pinagnanasahan ng mga kabadingan noon. Napangiti na lang siya nang tinanong ko ito sa kanya, tungkol sa mga indecent proposals.

“In-accommodate ko ‘yung iba,” napangiti niyang pakli.

“But during that time, aaminin ko nung panahon na ‘yun, wala e. Hindi mo masyado naisip ‘yun, kasi bata pa. Parang… hindi nga ako marunong mag-ipon ‘no? Gabi-gabi, ‘pag lumalabas ako, umiinom, hindi ko naisip kung paano magtipid ‘no?

“Ang kagandahan lang sa buhay ng tao, may tinatawag na may panahon talaga na bibigyan ka ng lesson.

“So para sa akin nung nagkasakit ako, ‘yun ‘yun e. Parang wake-up call na para bang ano ba, itutuloy ko ba ‘yung gagawin mo o parang ganun. Nag-reset lang ako.

“So ngayon, grabe. Kung isusulat ‘yung buhay ko, napaka-interesting, maraming masasaktan, maraming madadamay.”

Pero may mga intriga pa noon na isang mayamang gay benefactor daw ang sumagot ng hospitalization niya.

Muling nakapangiti si Chad.

“Nung panahon na ‘yun, maraming shows at kaya ako tumigil, kasi naisip ko gusto ko bang mabuhay? Kasi kung itutuloy ko ito, baka mas mapaiksi lang ang aking buhay.”

Ngayon ay masaya niyang ibinahaging okay na siya at zero na ‘yung possibility na bumalik ang kanyang cancer.

“I still can’t believe. I’m 59 years old. Twenty-five years ago nagkaroon ako ng cancer.

“Siguro mga two months ago, sa papillary carcinoma kasi, thyroid cancer, every six months kailangan i-check ‘yung dugo mo kung bumabalik, o nagre-recur ‘yung cancer cells.

“But lately, kagandahan lang, kasi twice na. Bumalik ako sa doctor ko, sinabi ng doctor na wala na. Thyroglobulin, nag-zero talaga siya.

“So ang ibig sabihin ‘pag nag-zero, ‘yung goal ng doctor na pag nag-zero, wala na talaga ‘yung cancer.

“Kasi ‘pag meron pang naiwan a point something, ibig sabihin nu’n, ‘yung cancer cells nandiyan pa,” saad ni Chad Borja.

Ysabel, nagbigay-pugay kay Coco

Sa nakaraang 40th anniversary celebration ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), namataan namin si Ysabel Ortega na bumaba at lumapit sa table nina Atty. Annette Gozon-Valdes.

Bumati siya roon, at pagkatapos dun ay tumuloy siya sa kinauupuan nila Coco Martin.

Kagrupo ng ama niyang si Sen. Lito Lapid ang nasa Batang Quiapo, kaya nagbigay-pugay raw siya roon.

“Oo nga po e,” pakli ni Ysabel nang tinanong ko ito sa kanya.

“Siyempre, they’re very happy to meet me. And it was very nice to meet them as well. And ako naman it was such an honor to know them po. Siyempre, isa rin po sila sa haligi sa industriya. It was always an honor,” sabi pa ng Kapuso actress.

Nasa cast si Ysabel ng Sang’gre bilang si Armea.

Natatalo na sa ratings ang Batang Quiapo, kaya napangiti na lang ang aktres.

Ayaw rin niyang magbigay ng detalye kung tatagal pa ba ang character niya na sa pagkakaalam namin ay na-extend hanggang January 2026.