Heavy Bombers laglag sa Altas


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 19, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Bumalik sa porma ang University of Perpetual Help System DALTA matapos malasap ang unang kabiguan nang gibain ang Jose Rizal University, 71-65, sa crossover eliminations ng NCAA Season 101 men’s basketball tournament kahapon sa FilOil Centre sa San Juan City.

Kumamada si John Abis ng 17 points at nagdagdag si Mark Gojo Cruz ng 11 markers para sa 5-1 record ng Altas na nagmula sa 56-63 kabiguan sa L­etran Knights.

“That’s his role in this team to provide veteran leadership. He’s really not very vocal, pero he leads by example,” wika ni coach Olsen Racela sa No. 23 overall pick ng PBA Season 50 Rookie Draft.

Hulog naman ang JRU sa 3-3 marka.

Kinuha ng Jose Rizal ang 34-32 halftime lead bago itinayo ng Perpetual ang 58-50 abante sa likod nina John Boral at Josh Alcantara sa 8:41 minuto ng fourth quarter.

Huling nakadikit ang Heavy Bombers sa 63-64 agwat sa 2:46 minuto ng laro bago magsalpak si Abis ng isang jumper sa 2:27 minuto habang ang basket ni LA Casinillo sa natitirang 10.3 segundo ang sumelyo sa panalo ng Altas.

Samantala, tinakasan ng Letran Knights ang Lyceum Pirates via overtime, 95-93, para sa kanilang 3-3 kartada.

Sa juniors division, nagpaulan ang nagdedepensang Junior Altas ng 11 triples sa 91-73 paggupo sa Light Bombers.