October 20, 2025 | 12:00am
Wow, artista na pala ni Xian Gaza.
At daring ang role niya.
Siya ang bida sa banner project ng CinePop, Cine Popular Entertainment, na pinamumunuan ng veteran director na si Albert Langitan.
Halos tatlong dekada na sa telebisyon at pelikula si Direk Albert.
Mula sa Pinoy Big Brother na naging pambansang phenomenon, sa pagiging tagapanguna ng pinakamalalaking reality shows ng ABS-CBN, hanggang sa pagiging bahagi ng matagumpay na FPJ’s Ang Probinsyano, nakilala siya bilang lumikha ng mga kwentong tumatatak at lumalampas sa limitasyon.
Ngayon, bilang Pangulo ng Cine Popular Entertainment, muling hinahamon ni Albert ang tradisyon sa pamamagitan ng CinePOP! — isang platform na muling naglalarawan ng Filipino sensuality sa mas matapang at unapologetic na paraan.
“Ang CinePOP! ay tungkol sa pagiging unapologetic. Matapang, totoo, at walang filter. Gusto naming bawiin ang Filipino sensuality mula sa pagiging bawal, at ipakita ito bilang isang sining — makapangyarihan, mapusok, at lubos na makatao,” pagbabahagi ni Albert.
Sa ilalim ng panawagang “Sorry, Not Sorry on Sensuality,” ang CinePOP! ay higit pa sa simpleng aliwan.
Isa itong pahayag — na posible ang pagsasanib ng sarap at respeto, ng tapang at responsibilidad.
Mula reality TV, hanggang primetime drama, at ngayon sa mobile entertainment, nananatiling matapang ang liderato ni Albert. Sa CinePOP!, hindi lang siya nagbibigay-aliw — binabago rin niya ang usapan tungkol sa pagiging matapang, makabayan, at walang sorry-sorry sa sensualidad ng Pinoy.
Naka-focus sa kasalukuyan ang CinePop sa matapang na panawagang Sorry, Not Sorry on Sensuality, na kwentong diretsuhan, mapangahas, at puno ng emosyon — idinisenyo para sa mobile lifestyle. “Maiksi man, bawat episode ay sapat para makapagbigay ng saya, init, at impact na tatatak,” say ni Direk Albert.
“Laging abala ang mga Pilipino, kaya ginawa namin ang CinePOP! na maiksi pero sulit. Puwede itong panoorin habang nasa bahay, naka-break sa trabaho, o kahit saan ka komportable. Aliw na sasabay sa takbo ng buhay mo — hindi ikaw ang mag-a-adjust,” paliwanag pa niya.
Tulad ng kape o yosi break, nagbibigay aniya ng dagdag spark ang CinePOP! kahit kailan, kahit saan.
