Lihim na relasyon ng bidang actor ng teleserye at sexy actress, nabuking sa kanilang eksena


Pilipino Star Ngayon

October 20, 2025 | 12:00am

Ngayon lang namin nasagap ang kuwento sa taping ng isang top-rated show.

Biglang nagkaroon daw ng eksena sa gitna ng isang eksenang kinukunan ng bidang aktor at isa sa cast ay si sexy actress.

Maganda si sexy actress na na-link pa minsan sa isang influential politician.

Walang ideya ang lahat na cast at production staff na merong namuong ‘something’ kina bidang aktor at sexy actress.

Maaaring nagkaroon sila ng tampuhan, o merong isyu sa kung ano mang relasyon sa kanilang dalawa.

Habang kinukunan ang eksena ni bidang aktor kasama itong si sexy actress, biglang nagdabog daw ito sa harap ni bidang aktor.

Tinalakan din ni bidang aktor si sexy actress.

Nagkaroon sila ng maiksing pagtatalo, pero nag-walk out daw si sexy actress.

Natulala ang lahat na nandun sa set.

Wala silang alam na meron palang namagitan sa kanilang dalawa.

Hindi raw naayos. Hindi natuloy ang take. Hanggang sa nag-decide ang director na i-pack up na lang ang taping.

Pagkalipas ng isang linggo, wala na si sexy actress.

Tinanggal na siya sa naturang drama series. Wala na siya sa regular cast.

Ayon sa ilang napagtanungan namin, parang pinaasa raw si sexy actress na maging leading lady siya ng bidang actor na hindi naman nangyari.

May pangungulit na raw kay sexy actress, at isa raw ito sa napagtalunan ng dalawa.

Mukhang happy na ngayon si sexy actress sa isang kilalang aktor na nali-link sa kanya. At si bidang aktor naman ay settled na siya sa matagal na niyang karelasyon na kilala at magaling na aktres.

Alden, ginulat si Will

Nakakatuwa ang nangyari kay Will Ashley na na-achieve na niyang magpa-sold-out ng isang concert.

Napuno nito ang New Frontier noong Sabado, Oct. 18, sa kanyang first Will Ashley Live concert.

Si Bianca de Vera ang isa sa special guests niya na sobrang ikinatuwa ng fans. Pero sobrang nagulat si Will nang biglang umapir si Alden Richards na sumabay sa song number niyang Magasin ng Eraserheads.

Nakaka-touch din ang mensahe ni Alden sa kanya, dahil nakikita raw niya ang sarili niya kay Will noong struggling pa lamang siya sa pag-aartista.

“It’s so nostalgic. Kasi nakikita ko ang sarili ko sa ‘yo,” simulang mensahe ni Alden kay Will.

“You’ve come a long way. Maraming nagmamahal sa ‘yo.

“Before mas trumiple, mas kumwadruple pa ngayon,” dagdag niyang pahayag.

Nagbigay na rin siya ng payo kay Will.

“Siguro ang ma-advise ko sa ‘yo, Will, as your Kuya.

“Actually, dito rin ako nag-first concert… New Frontier.

“I think I can give you as your older brother in the industry. This is your chance, Will. This is your chance.

“Bigyan mo ng importansya ang lahat ng tao na nandito ngayon. Use what you have right now for a purpose.

“More than the fame. More than… higit pa sa palakpakan at hiyawan ng mga tao. I-inspire mo sila na gumawa ng mabuti.

“I think that will give you longevity. Based sa experience, kapag mabuti ang intensyon mo at mabuti ang puso mo, maganda ang intensyon mo sa mga bagay at mga pagkakataong dumadating sa ‘yo. You will never go wrong, Will.

“I’m a living testament with that,” sabi pa ni Alden.

Wala talagang ideya si Will sa pagdating ni Alden. Kaya nagpapasalamat siya sa inilaan na oras ng Asia’s Multimedia Star.

“One day makapag-inspire din ako kagaya ng binibigay mo,” sabi naman niya kay Alden.

Sabi naman ni Alden sa fans ni Will, “Ang masasabi ko lang, guys, hindi kayo nagkamali ng sinuportahan.”

Ang laki ng nagawa ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab sa mga housemate nito, lalo na kay Will na talagang ang laki ng iniangat ng showbiz career niya.

May dalawang entries na kasali si Will Ashley sa Metro Manila Film Festival, ang Love You So Bad at Bar Boys: After School.