October 21, 2025 | 12:00am
Hindi na umabot sa korte ang kasong Estafa na isinampa ng GMA 7 laban sa mga executive ng TAPE, Inc. na kinabibilangan nina Romeo Jalosjos Jr., Romeo Jalosjos Sr., Michaela N. Magtoto, Zenaida Buenavista, Malou Choa-Fagar, at Seth Frederick Jalolos.
Na-forward sa amin ang huling pahina ng resolution mula sa Prosecution office ng Quezon City na kung saan nagsampa ng complaint ang GMA 7 dahil sa mga hindi pa nabayaran ng TAPE, Inc. para sa kanila.
Nakasaad sa resolution na ayon sa GMA 7, hindi nabayaran ng TAPE ang kabuuang utang nito sa Kapuso network na umabot sa 213, 001,975.47. Sa halip ay P150,341,255.96 lang ang naibigay.
“Assuming it has the obligation to deliver the latter under the Assignment Agreement, then it was TAPE which violated said contract,” nakalagay pa sa Resolution.
Base sa pagkakaintindi namin, na-technical dito ang GMA 7, dahil ang civil case lang dapat ang isinampa nila, hindi crimincal case na Estafa. Collection lang daw ito sa balanseng dapat bayaran ng TAPE, Inc.
Ang kumpanya ang may pagkukulang na dapat bayaran sa GMA 7, hindi ang mga nabanggit na executives na kinasuhan nila.
Dagdag na laman ng resolution; “In fact, in the demand letters of complainant to TAPE, she knew and thereby admitted that it can only file a civil case for breach of contract and collection case in court against TAPE.”
Malinaw na civil liability ito ng kumpanya at hindi sa mga executive at stockholder na kinasuhan.
Naalala pa namin noon na nakipag-negotiate ang TAPE kung paano nila mabayaran ang natitirang pagkakautang nila. Pero hindi tinanggap ng GMA 7 ang terms ng settlement na inalok ng TAPE, Inc.
Binanggit din yan noon sa mga interview ng legal counsel ng TAPE na si Atty. Maggie Abraham na kahit noon pa raw sa pleadings nila na ang TAPE ang nakipag-transact kaya ang kumpanya ang may obligation sa pagbayad.
Sabi nga roon sa resolution; “We trust that the above clearly conveys our position on the matter of the long overdue and unpaid accounts. Please be advised that unless these receivables are settled to our satisfaction, we will have no alternative but to effect collection through court action against TAPE, Inc.”
Sinubukan naming hingan ang ilang executives ng GMA 7 ng pahayag kaugnay dito at sinabi nilang : “We have not yet received a copy of the Prosecutor’s resolution. We will issue an official statement once we have reviewed the official document,” ayon kay GMA Network First Vice President for Legal Affairs Atty. Lynn Delfin
Vertical drama ng Cinepop, nabiktima kaagad ng mga pirata
Napansin na namin noon ang bagong website app na CinePOP na inilunsad noong first quarter ng taon.
Mapangahas ang mga ginawa nilang content na vertical drama na napapanood sa mga smart phone.
Kaya kaagad na nakakuha ito ng mataas na subscribers sa halagang 99.99 pesos lamang monthly.
Kuwento ni Direk Albert Langitan; “Nag-soft launch kami nung April. Nagkataon na hindi ganun kaganda yung platform namin pala. It’s a website app, pero meron din kami noon sa Apple and Android.”
Pero naging mabigat daw nilang kalaban ang mga pirata.
Kaya napilitan silang tumigil muna sa pag-upload ng mga nagawa nilang content.
“Ang galing ng mga pirata e. Na-pirate na nila ‘yung content namin. So, by intention, hininto namin yung uploading. Hininto namin yung heavy marketing.
“Ahhh sinustain lang namin at the very minimun para lang huwag mawala kung ano yung sinimulan namin sa CinePOP,” dagdag niyang imposmasyon.
Matagal nang isyu ang pamimirata na mas madali na ngayong gawin.
“Ang laki ng tama sa amin ng pirata. Siguro kung hindi lang kami desidido sa kung ano ‘yung ginagawa namin. Kung hindi lang solid yung organization namin. Kung hindi lang medyo malalim ‘yung pinaghugutan namin na bulsa, malamang tumiklop na rin kami.
“Ganun kalaki ang perwisyo na kayang gawin ng mga pirata sa industriya natin. Na ramdam namin dahil maliit na player pa lang kami. So, dapat talaga ‘yung piracy dapat matapos ‘yan. Kasi sa kahit na anong format, vertical, sa pelikula man. Papatayin, lulugmukin ng mga pirata ang industriya,” sabi pa ni Direk Albert Langitan.
Sa ngayon ay nag-relaunch daw sila at isa nga sa pasabog nila ay ang ginawa nilang content na pinagbidahan ng maingay na vlogger na si Christian Gaza.
“Totally from ground up, nag-create kami ng bagong platform. Nire-relaunch namin ngayon.
“Ito yung reality namin na natutunan—dahil bago nga kami sa ganitong negosyo. Kahit anong gawin namin ahhh pag-iingat, kahit anong security features ang gawin namin, mapipirata at mapipirata nila ‘yan.
“Ang kaya lang namin gawin is pahirapan sila na ipirata ‘yung content namin. O kung mapipirata man nila, pangit yung quality,” sambit pa ni direk Albert na matagal din nagdirek sa programa ng GMA 7 at ABS-CBN bagong humawak ng mga programa ng Viva sa TV5.
