Gerald, hindi sumagot sa rekoneksyon nila ni Julia!


Tikom ang bibig ni Gerald Anderson nang diretsahan ko siyang tinanong kung nagkaroon nga ba sila ng reconnection ni Julia Barretto.

Napangiti lang ito at sinalo ni Dondon Monteverde at inilahad ang expe­rience nila kung bakit nabuo ang pelikulang Rekonek na entry nila sa nalalapit na Metro Manila Film Festival (MMFF).

Kinulit ko pa rin si Gerald at ang sabi lang niya, “Basta tungkol sa Rekonek na pelikula, lahat sasabihin ko.”

Tungkol lang daw muna sa partnership ng Reality MM Studios at ng film production ni Gerald na Th3rd Floor Studios ang pag-uusapan.

In-announce na rin kasi roon ang bago nilang collaboration na kung saan, isa sa mga producer si Gerald dito sa pelikulang Rekonek.

First time na pinasok ng Kapamilya actor ang film production at excited siya at bagong expe­rience raw ito sa kanya.

Meron na siyang gym, resort sa Zambales, nagdirek na rin siya sa series niyang Sins Of The Father, at ngayon ay movie producer na rin siya.

Ani Gerald, “I’m very blessed, I’m not complai­ning. But I’m just also trying to learn as much as possible, as a producer.

“Kasi ibang ano naman ‘yan e. Ibang animal ‘yan. Ibang beast ‘yan. Kilala n’yo naman ako. I like challenges, and I’m… kumbaga strength. Next year, 20 years na po ako sa industriya. So, I wanna also do something na parang… you know, also give back to the industry that’s giving me so much.

“As a producer, nakakapagbigay ka rin ng trabaho sa ibang tao. Nagbibigay ka ng sana magandang proyekto para sa Pilipinas, ‘di ba? So, it’s very aligned dun sa gusto ko ring mangyari for me. And sana maging successful. Sa suporta n’yo, maging successful siya.”

At natutuwa siya rito dahil napapanahon daw at bagay pa ngayong Pasko.

“It’s a Christmas movie. Eksaktong-eksakto siya sa MMFF. Opo. Kasama ako diyan. Napaka-beautiful ng kuwentong ito,” pakli niya.

Kuwento ito na kung saan nawalan ng internet ang buong Pilipinas 10 days bago mag-Pasko.

Ano ang gagawin ng magpamilya. Magkakaroon ba ng reconnection sa kanila?

Asawa ni Gerald dito si Charlie Dizon at kabilang dito ang pamilya Legaspi ng mag-asawang Zoren Legaspi at Carmina Villarroel kasama ang kanilang kambal.

Ilan pang nasa cast ay sina Andrea Brillantes, Bela Padilla, Kelvin Miranda at Ms. Gloria Diaz.

Dito na ibinahagi ng producer ding si Dondon Monteverde kung paano nila nabuo ang pelikulang ito, kasama nila si Gerald.

“Ang inspiration talaga namin ni Gerald during the film Rekonek. Kasi, nag-shooting kami ni Gerald sa Zambales, seven hours away ‘yung pinagsyutingan namin ‘di ba? Nawalan bigla ng internet.

“So, nakita ng lahat… si direk Erik (Matti), ‘yung writer, even si Michiko (Yamamoto) nandun din during that time na nagkagulu-gulo dun ‘di ba?

“Kasi ang hirap nga naman these days na mawalan ng internet.

“So, nakaisip kami ng project together na why not nga. Siguro days before Christmas na isipin natin ‘yung dynamics, ‘di ba? Malaking bagay ‘yang Christmas. Kung mawalan ng internet, anong mangyayari sa buhay natin?” saad ni Dondon.

Kaya sinundan pa ng tanong si Gerald, kung meron bang taong gusto niyang makarekonek.

“Of course! Oo naman!” bulalas nito.

“There are times na may mga tao sa buhay natin na we should reconnect with, and may mga hindi. May mga kasama lang sa journey natin is you know, passersby lang. They come into your lives and ano… it could be family, friends, business partners. But… as long as ine-enjoy mo ‘yung time mo with that person or with that group of people, or with that project, you know.

“There’s also times na, maybe you have to grow away and grow with better people, and then maybe somewhere in time, ‘di ba?,” saad ni Gerald Anderson.

Cinesilip, ang daming X-rated!

Magsisimula na ngayong araw ang kauna-unahang CineSilip Film Festival ng VMX na iso-showing sa ilang Ayala Cinemas kagaya ng Trinoma, Market! Market!, Ayala Malls Manila Bay at sa Circuit Makati.

Pitong mapangahas na pelikulang ipalalabas na karamihan ay binigyan ng R-16 at R-18 classification ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Pero ang isa sa pinakamaingay ay ang pelikulang Dreamboi na pinagbibidahan ni Tony Labrusca kasama ang transwoman na si EJ Jallorina, at si Rodina Singh ang director nito.

Mahigit two hours daw ito, pero ngayon ay mahigit isang oras na lang. Nabawasan na ito dahil dalawang beses na itong na-X ng MTRCB.

“Ang sakit, hirap magkwento, grabe. Eighty-five mins lang kami,” himutok ng director nito.

“Dreamboi is not pornography; it is a story about being seen, about the pain and beauty of longing when the world tells you you’re not allowed to want. Because every time a story like this is silenced, another trans woman disappears,” bahagi ng hanash ni direk Rodina sa kanyang Facebook account.

Kahapon ay nasa pangatlong appeal na sila sa MTRCB at sana raw ay mapagbigyan na sila.

May ilan pang pelikulang kalahok na nakatikim din ng X, pero hindi nag-ingay. Binigyan ng R-18 ng MTRCB, ang Haplos sa Hangin, Salikmata, Maria Azama: Best P*rn Star, Babae sa Butas, Ang Lihim ni Maria Makinang at Pagdaong.