Pilipino Star Ngayon
October 29, 2025 | 12:00am
BAHRAIN — Nakuntento si swimmer Jamesray Ajido sa silver medal sa boys’ 100-meter butterfly dito sa Khalifa Sports City.
Nagsumite si Ajido ng tiyempong 55.11 segundo para pumangalawa kay Mohammadmahdi Gholami ng Iran na naglista ng bilis na 54.75 segundo para sa gold medal.
Si Lau Kin Hei James ng Hong Kong ang kumuha ng bronze sa kanyang inilistang 55.23 segundo.
Lalaban pa si Ajido para sa gold medal sa boys’ 50m butterfly finals.
Sumegunda ang 16-anyos na Pinoy tanker sa heat 3 at sixth overall sa kanyang 23.38 segundo sa qualifying heats.
Samantala, bumuhat si Alexsandra Ann Diaz ng bronze sa weightlifting sa Exhibition World Bahrain (EWB).
Nagposte ang pamangkin ni Tokyo Olympic gold medalist Hidilyn Diaz ng 92kg lift sa clean and jerk sa girls’ 48kg class.
Ibinulsa ni Lan Xinyi ang China ang ginto sa kanyang 93kg sa second attempt, habang si Kim Ju Gyong ng Korea ang sumikwat sa silver sa isinumiteng 92kg lift.
Pumang-apat si Diaz sa snatch sa itinalang 70kg lift.
“Masaya po kaso hindi ko po expect na mag-medal. Ang lakas ng mga kalaban,” wika ni Diaz.