Shai Gilgeous-Alexander, Thunder diretso sa 5


Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

OKLAHOMA CITY, — Bumira si Shai Gilgeous-Alexander ng 31 points sa 107-101 panalo ng nagdedepensang Thunder sa Sacramento Kings.

Umiskor sina Aaron Wiggins at Ajay Mitchell ng tig-18 markers para sa Oklahoma City (5-0).

Hindi naglaro si forward Chet Holmgren, ang kanilang No. 2 scorer, dahil sa lower back soreness kasama sina 2025 All-Star Jalen Williams (right wrist surgery) at sharpshooting guard Isaiah Joe (bruised left knee).

Kumana si Zach LaVine ng 23 points habang may 19 markers si DeMar DeRozan at humakot si Domantas Sabonis ng 10 points at 18 rebounds sa panig ng Sacramento (1-3).

Kinuha ng Kings ang 62-58 abante sa halftime kasunod ang ratsada ng Thunder sa third period para agawin ang 71-70 bentahe.

Ang stepback three-point shot ni Gilgeous-Alexander sa huling 16 segundo ng fourth quarter ang nagbigay sa OKC ng six-point lead laban sa Sacramento.

Sa San Francisco, kumolekta si Jimmy Butler ng 21 points, 5 rebounds at 5 assists habang may 19 markers si Stephen Curry sa 98-79 pagdaig ng Golden State Warriors (4-1) sa Los Angeles Clippers (2-2).

Sa iba pang laro, tina­kasan ng Philadelphia 76ers ang Washington Wizards sa overtime, 139-134; tinalo ng Miami Heat ang Charlotte Hornets, 144-117; at wagi ang Milwaukee Bucks sa New York Knicks, 121-111.