Kian Labar nagdomina sa Batang Pinoy sprint events


Russell Cadayona — Pilipino Star Ngayon

October 30, 2025 | 12:00am

GENERAL SANTOS CITY, Philippines — Idineklara ni Kian Labar ng Iloilo City ang sarili bilang hari ng boys’ sprint events ng 2025 Batang Pinoy.

Ito ay matapos itakbo ng 16-anyos na tubong Dingle, Iloilo ang gold medal sa boys’ under-18 100-meter dash sa bagong meet record na 10.82 segundo kahapon dito sa Antonio Acharon Sports Complex.

Nauna nang dinomina ni Labar ang labanan sa boys’ under-18 400m sa bagong markang 48.84 segundo at panalo sa 200m sa tiyempong 22.39 segundo.

Inialay ni Labar ang kanyang tatlong gintong medalya sa pamilya at mga coaches niya.

Wagi rin ng gold sa 100m dash sina Zabdiel Chavaria (11.17 segundo) ng Sorsogon (boys’ under-16), Psalm Euxene Pampag (12.51 segundo) ng Bacolod City (girls’ under-16) at Franceine Jhobie Rosario (12.05 segundo) ng Manila City (girls’ under-16).

Sa jiu-jitsu, dinuplika ni Charlie Ratcliff ng Quezon City ang kanyang panalo sa 3rd Asian Youth Games sa Manama, Bahrain matapos kunin ang ginto sa juvenile girls’ 16-17 48 kilogram division.

Wagi rin ng ginto ang kanyang utol na si Travis sa juvenile boys’ 16-17 62kg class nang talunin ang Quezon City teammate na si Lucas Quizon sa finals.

Sa swimming, tig-apat na gold medals ang nila­ngoy nina FJ Catherine Cruz ng Mabalacat City, Pampanga (girls’ 16-17), Nuche Veronica Ibit ng Aklan (girls’ 14-15), Sophia Rose Garra ng Malabon City (girls’ 12-13) at Patricia Mae Santor ng Manila City (girls’ 16-17).