November 6, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tinapos ng Titan Ultra ang kanilang apat na dikit na kamalasan sa pamamagitan ng 97-86 pagbasag sa Blackwater sa PBA Season 50 Philippine Cup kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Manila City.
Ito ang ikalawang panalo ng Giant Risers matapos ang 100-96 pagdaig sa Meralco Bolts noong Oktubre 8 na sinundan ng apat na dikit na kabiguan.
Kumabig si veteran forward Calvin Abueva ng 23 at 14 rebounds, habang may 18 at 14 markers sina Joshua Munzon at Fran Yu, ayon sa pagkakasunod.
Bagsak ang Bossing sa pang-apat na sunod na pagkatalo para sa 1-4 baraha.
“We have to change our attitude in the second half kasi nagkanya-kanya ulit kami, hindi kami nakapag-push ng bola kaya lumamang iyong Blackwater,” ani Titan Ultra coach Johnedel Cardel.
Matapos kunin ng Bossing ang 47-42 halftime lead ay nagtuwang sina Abueva, Munzon at Von Pessumal para ibigay sa Giant Risers ang 67-60 bentahe sa 3:27 minuto ng third period.
Ang free throw ni Pessumal ang nagbigay sa Titan Ultra ng 12-point lead, 85-73, sa 5:11 minuto ng fourth quarter.
Magkasunod na basket ang ginawa nina Sedrick Barefield at Christian David na naglapit sa Blackwater sa 77-85.
Ngunit nagsanib-puwersa sina Yu, Abueva at Munzon para muling ilayo ang Giant Risers sa 91-77 sa huling 3:03 minuto ng laro.
