Beermen nakatabla sa 1-1 | Pilipino Star Ngayon


MANILA, Philippines — Hindi na hinayaan ng San Miguel na muling ma­kagawa ng come-from-be­hind win ang utol na Ba­rangay Ginebra.

Binalikan ng Beermen ang Gin Kings, 100-83, sa Game Two ng Season 49 Philippine Cup semifinals series kahapon sa Ninoy Aquino Stadium sa Malate, Manila.

Nakabangon ang San Miguel mula sa 73-71 kabiguan sa Game One para itab­la sa 1-1 ang kanilang best-of-seven showdown ng Ginebra.

Naging limitado ang playing time ni eight-time PBA MVP June Mar Fajardo para sa Beermen dahil sa kanyang right calf injury na nangyari sa pagkatalo nila sa Gin Kings noong Mi­yerkules.

“They know what the situation is because they know it since yesterday,” sabi ni coach Leo Austria. “So everyday is thinking na we have to step up.”

Tumapos si Fajardo na may dalawang puntos.

Umiskor si Marcio Lassiter ng 16 points para sa San Miguel at may 14, 13 at tig-11 markers sina Don Trollano, Kris Rosales, CJ Perez at Jericho Cruz, ayon sa pagkakasunod.

Ang basket ni Trollano ang nagbigay sa Beermen ng 23-12 abante sa first period bago kunin ang 54-41 halftime lead.

Ilang beses naghabol ang Gin Kings sa third pe­riod, ang huli ay sa 56-65 sa huling 3:58 minuto nito.

Pagdating sa final canto ay tuluyan nang kumawala ang SMB sa pagtatala ng 23-point lead, 90-67, mula sa triple ni Andreas Cahilig.