Fighting Maroons umeskapo sa Growling Tigers


Elech Dawa — Pilipino Star Ngayon

November 6, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinadena ng defending champion University of the Philippines ang pangatlong sunod na panalo matapos lusutan ang University of Sto. Tomas, 89-88, sa UAAP Season 88 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Umarangaka sa opensa si Harold Alarcon upang tulungan ang Fighting Maroons na ilista ang 7-3 karta at patibayin ang kapit sa No. 2 spot sa team stan­dings sa ilalim ng National University na may 8-2 card.

Isinalpak ni Alarcon ang huling walong puntos ng UP kasama ang clutch fadeaway jumper na nagbi­gay sa kanila ng bentahe sa huling 24 segundo.

Naging matatag sa dulo ang Figh­ting Maroons para makuha ang panalo at ipa­lasap sa Growling Tigers ang ikaapat na sunod na ka­biguan.

Pinamunuan ni Alarcon ang puntusan para sa UP sa kanyang 22 points bukod sa 5 rebounds, 4 assists at 3 steals, habang 19 markers ang ambag ni Rey Remogat.

Bumira si Collins Akowe ng 26 points at may 18 markers si Nic Cabanero para sa 5-5 marka ng UST na sumalo sa three-way tie sa No. 4.

Sa unang laro, tinapos ng Ateneo de Manila Uni­versity ang five-game lo­sing slump matapos taka­san ang sibak nang University of the East, 78-74.

Humakot si Nigerian center si Divine Adili ng 15 points at 12 rebounds para sa 5-5 marka ng Blue Eagles.