November 13, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tinapos ng Phoenix ang kanilang kamalasan matapos patumbahin ang Terrafirma, 107-76, sa Season 50 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Center sa Montalban, Rizal.
Bumanat si Kai Ballungay ng 19 points at 12 rebounds para wakasan ng Fuel Masters ang kanilang four-game losing slump at itaas ang 2-5 baraha.
Nag-ambag si Ricci Rivero ng 16 markers.
“We’re just focusing on what we need to do as a team to get that win,” sabi ni rookie coach Willy Wilson sa hangad nilang quarterfinals spot. “Every game is just as important as the other, and that’s how we’re gonna approach it.”
Lugmok ang Dyip sa pang-limang dikit na kabiguan para sa 1-6 marka at nanganganib na masibak sa torneo.
Binuksan ng Phoenix ang laro sa 10-0 patungo sa 30-13 pag-iwan sa Terrafirma sa 5:27 minuto nito galing sa salaksak ni Ballungay.
Nakabangon ang Dyip sa 25-45 pagkakabaon para makalapit sa 45-51 sa likod nina Louie Sangalang at Aljon Mariano sa huling 2:28 minuto bago ang halftime.
Gumawa ng adjustments si Wilson sa third period para muling makalayo ang Fuel Masters sa 79-62 sa 3:04 minuto nito patungo sa 98-73 kalamangan sa huling 4:11 minuto ng final canto.
