November 14, 2025 | 12:00am
Pananalasa ng ZUS Coffee tinapos
MANILA, Philippines — Ang ipanalo ang lahat ng kanilang mga natitirang laro para sa tsansa sa quarterfinals berth ng 2025 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Ito ang nasa isip ng Cignal matapos walisin ang dating mainit na ZUS Coffee, 25-12, 26-24, 25-23, sa second round kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Pumalo si Erika Santos ng 19 points mula sa 13 attacks, tatlong blocks at tatlong service aces para sa back-to-back wins ng Super Spikers na nagtaas sa kanilang baraha sa 4-3.
“Siguro na-apply lang namin iyong mga ginawa namin sa training,” sabi ni Santos. “Honestly, iyong nasa mindset ng team is wala nang atrasan kasi iyong mga remaining games namin is crucial for us kasi nasa ibaba kami.”
Nagkuwintas si Slovak import Katrin Trebichavska ng 13 markers at 14 receptions habang may 21 excellent sets si setter Gel Cayuna.
“Sobrang laking help sa amin nito dahil kailangan talaga namin ng panalo para makapasok kami sa quarterfinals,” dagdag ni coach Shaq delos Santos.
Nalasap ng Thunderbelles ang unang kabiguan matapos pumalo ng franchise-best start 6-0 record bagama’t nakahugot kay American reinforcement Anna DeBeer ng triple-double na 26 points, 12 receptions at 11 digs.
Wala nang ibang player si coach Jerry Yee na naglista ng double digits kung saan nag-ambag lamang si Thea Gagate ng limang puntos kasunod ang tatlong marka ni Jovelyn Gonzaga.
Mula sa 9-9 pagkakatabla ay naghulog ang Cignal ng isang 16-3 bomba para agawin ang first set, 25-12, bago nakalusot sa ZUS Coffee sa second frame, 26-24.
Sa third set ay itinabla ni DeBeer ang Thunderbelles sa 23-23 kasunod ang hataw ni Santos at ang game-winning kill block kay Chinnie Arroyo para sa 25-23 paglusot ng Super Spikers at kumpletuhin ang straight-sets win.
Samantala, pinigilan ng Akari (4-3) ang dalawang dikit na kamalasan sa pamamagitan ng 25-13, 25-17, 25-22 pagdaig sa sibak nang Nxled (0-7).
