Brownlee sasabak sa Gilas training camp


Chris Co — Pilipino Star Ngayon

November 16, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nasa Maynila na si Justin Brownlee para sumailalim sa pukpukang ensayo kasama ang Gilas Pilipinas na sasabak sa first window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre 28.

Mismong si Meralco team manager Luigi Trillo ang nagkumpirma ng pagdating ni Brownlee sa Maynila.

“We learned that he arrived in Manila already. But because he also has commitments to play for the FIBA qualifiers. He will be joining the national team. He will be joining Gilas,” ani Trillo.

Maglalaro sana si Brownlee bilang import ng Meralco sa East Asia Super League (EASL) subalit naudlot ito.

Napaulat na nagtamo si Brownlee ng pneumonia dahilan para hindi ito agad makabalik sa Pilipinas at makapaglaro para sa Bolts.

“As far as how ready he is, we all learned also that he was dealing with pneumonia some weeks back. So it’s a health issue, I guess. We don’t know how healthy he will be even just in time for the qualifiers,” dagdag ni Trillo.

Umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na nasa magandang kundisyon na si Brownlee para sa qualifiers.

Maliban sa FIBA World Cup Qualifiers, sasabak din si Brownlee sa 2025 Southeast Asian Games na idaraos naman sa Disyembre sa Bangkok. Thailand.

Kaya naman kailangan ni Brownlee na makabalik agad sa maayos na kundisyon.

Unang sasabak ang Gilas Pilipinas sa Nobyembre 28 laban sa Guam sa kanilang away game na idaraos sa Guam.

Sunod nito ang home game ng Gilas Pilipinas kontra sa Guam na gaganapin naman sa Blue Eagle Gym sa loob ng Ateneo de Manila University sa Katipunan, Quezon City.

Sasalang sa magagaan na workout ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna na training venue nito sa mga nakalipas na preparasyon ng tropa.

Wala pang inilalabas na schedule si Cone kung sasalang ang Gilas Pilipinas sa ilang tuneup games o friendly games bago ang qualifiers.