November 18, 2025 | 12:00am
ISANG robotics company sa China ang napilitang gumawa ng isang pambihirang hakbang: ang hiwain ang binti ng kanilang sariling humanoid robot sa harap ng publiko upang patunayang wala itong taong nagpapatakbo sa loob. Ang kompanyang XPeng Motors ay nagpakita ng kanilang pinakabagong bersiyon ng “IRON” humanoid robot sa kanilang 7th XPeng Technology Day noong November 5.
Naging viral ang video ng robot na lumalakad sa entablado dahil sa “lifelike” at tila modelong naglalakad sa runway ang galaw nito.
Ngunit dahil sa makatotohanang paggalaw nito, kumalat ang espekulasyon sa social media na baka isa lamang itong tao na nakasuot ng robot costume.
Dahil sa tindi ng pagdududa ng mga tao, ang CEO ng XPeng na si He Xiaopeng, ay nag-post ng isang video noong November 6 bilang tugon sa mga maling haka-haka.
“May mga tao talagang hindi naniniwala na ang mundo ay mabilis nagbabago sa larangan ng teknolohiya,” aniya. “Pinilit nila akong mag-film ng one-shot, unedited na video para sagutin ang kanilang mga hinala.”
Sa nasabing video, ginamitan ng mga staff ng gunting ang “balat” na nakabalot sa kaliwang binti ng robot. Pagkatapos hiwain ang panlabas na cover at ang elastic na “muscle” fibers, lumabas ang metal na skeleton sa loob.
Matapos ang pagpapatunay, ang robot ay muling naglakad paalis sa entablado sa harap ng palakpakan ng mga tao.
“Sana ito na ang huling beses na kailangan naming patunayan na ang likha namin na si IRON ay tunay na robot,” pahayag pa ng CEO. “Sana, pagkatapos nito, mas maraming tao ang maniwala na ang isang robot na kayang maglakad na parang totoong tao ay gawa ng isang kompanyang Chinese.”