November 19, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Tatlong gintong medalya pa ang nadagdag sa kaban ng Pilipinas upang umangat ang kolenksiyon nito sa 10 gintong sa 17th Southeast Asian U18 and U20 Athletics Championships na ginaganap sa Madya Athletics Stadium sa North Sumatera, Indonesia.
Nag-ambag ng gintong medalya si Ivan Cabanda matapos magtala ng bagong rekord na 52.83 segundo sa U18 Boys 400m Hurdles.
Dahil sa matikas na kamada nito, nagkwalipika si Cabanda sa World Athletics U20 Championship na idaraos sa susunod na taon sa Oregon, United States.
Hindi rin nagpakabog si Ma. Lhynette Libranda na nakahirit ng ginto sa U18 Girls 400m hurdles sa bilis na isang minuto at 4.93 segundo.
Ito ang ikalawang ginto ni Libranda sa torneo matapos unang mamayagpag sa 100M hurdles sa oras na 14.32 segundo.
Nakamit naman ni Franceine Jhobie ang ika-10 ginto ng Pilipinas sa torneo nang magreyna ito sa U18 girls 200m bunsod ng naitala nitong 24.67 segundo.
Sa kabuuan, may 10 ginto, tatlong pilak at isang tanso na ang Team Philippines sa torneo.
Dahil dito, umangat sa No. 2 spot ang Pilipinas sa standings habang nangunguna ang host Indonesia na may 10 ginto, 10 pilak at 15 tanso.
Bagsak naman ang Vietnam sa third spot hawak ang walong ginto, 11 pilak at limang tanso.